Red Warriors humirit ng do-or-die

MANILA, Philippines - Mahigpit na depensa at maliksing opensa ang ibinakod ng University of the East upang hiyain ang defending champion Ateneo, 88-68, at ipuwersa ang do-or-die game para sa best of three championship finals ng 72nd UAAP seniors basketball tournament kahapon sa Araneta Coliseum.

Buong ningning na humatak ng puntos, kumolekta ng 22 points, 4 rebounds at 1 block si Elmer Espiritu upang palawigin ang tsansang makuha ang titulo sa huling taon ng kanyang karera sa liga.

Tampok ang kanyang slam dunk mula sa power assist ng kaalyadong si Paul Lee, binura ng Warriors ang 12 game winning streak ng Blue Eagles.

Katuwang sina Pari Llagas na kumana ng 19 pts, 6 rebounds at 5 assists, nagtrangko rin si Lee ng 13 points at 4 rebounds upang matagumpay na pigilan ng tropa ni rookie coach Lawrence Chongson ang napipintong paghahari ng Ateneo.

Taliwas sa inaasahan, madaling naiposte ng UE ang malaking kalamangan na umabot pa sa 20 puntos distansya ng tumirada ng buzzer beater three point shot ni Ralph Reyes.

Samantala, pinara-ngalan ng pinakaprestihiyosong award na Most Valuable Player of the Year si Dylan Ababou ng University of Santo Tomas, habang tinanghal na Rookie of the Year ang isa pang Tiger na si Jeric Teng.

Ang Mythical Five naman ay binubuo nina Ababou (UST), Paul Lee at Elmer Espiritu (UE), Aldrech Ramos (FEU) at Rabeh Al Hussaini (ADMU). (Sarie Nerine Francisco)

Show comments