MANILA, Philippines - Hindi lamang ang mga national athletes ang bibigyan ng serbisyo ng Philippine Sports Commission (PSC) kundi maging ang mga naging biktima ng bagyong si "Ondoy".
Mula sa isang Cabinet meeting noong Biyernes ng hapon sa Cainta, ipinag-utos ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagbubukas ng PhilSports Arena (dating ULTRA) para sa mga evacuees sa Pasig City.
"We have opened ULTRA for relief operations. We have mobilized all personnel and resources for them," wika ni PSC chairman Harry Angping sa kanilang aksyon.
Idinagdag ni Angping na inihahanda na niya ang mga maintenance personnel ng sports commission para sa pagtanggap sa mga nasalanta ni "Ondoy" sa Pasig City.
Sa PhilSports Arena naninirahan ang ilang national athletes bukod pa sa mga opisina ng mga National Sports Associations (NSA)s at Philippine Olympic Committee (POC).
Ang dalawang gymnasiums sa PhilSports Complex ang siyang pansamantalang tutuluyan ng mga evacuees.
Sinabi pa ni Angping na hindi makakaapekto sa paghahanda ng mga national athletes para sa 25th Southeast Asian Games sa Laos ang pagpapatuloy nila sa mga biktima ng kalamidad sa Pasig City.
Ang PhilSports Arena at ang Brent gym ang siyang pansamantalang gagamiting evacuation centers.
"It will not affect the training of our athletes because only the two gymnasiums including that which was previously used by the Brent International School are being utilized," ani PSC Commissioner Fr. Vic Uy. (Russell Cadayona)