WBA International superflyweight title inangkin ni Francisco
MANILA, Philippines - Ngayon, uuwing luhaan si Robert Vasquez sa Panama.
Sa bisa ng isang tenth-round TKO kay Vasquez, inangkin ni Drian Francisco ang bakanteng World Boxing Association (WBA) International super flyweight crown kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sa kanyang pagdating sa bansa bago nanalanta ang bagyong si “Ondoy”, ipinangako ng 25-anyos na si Vasquez na iuuwi niya ang nasabing WBA International belt sa Panama.
Subalit hindi ito nangyari.
Pinabagsak ni Francisco si Vasquez, isang dating two-time WBA World light flyweight titlist, pagsapit ng tenth round ng kanilang 12-round fight upang kunin ang bakanteng WBA International super flyweight title.
Ang naturang tagum-pay ang nagbigay kay Francisco ng 18-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs kasabay ng paghuhulog kay Vasquez sa 27-3-0 (20 KOs) slate.
Ilan sa mga posibleng makasagupa ng tubong Sablayan, Oriental Mindoro ay sina International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight king Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. at WBA World title holder Nonou Nashiro ng Japan.
Sa undercard, pinatigil naman ni Michael Domingo (39-14-2, 17 KOs) si dating US Olympian at four-time world title challenger Jose Navarro (26-5-0, 12 KOs) sa eigth round.
Umiskor naman si Milan Milendo (18-0-0, 5 KOs) ng isang unanimous decision kay Mexican Guadalupe Martinez (7-1-1, 7 KOs). (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending