MANILA, Philippines - Walang kahirap-hirap na pumasa si Drian Francisco sa 115-pound weight limit kumpara sa lagpas na 116.5 ni Roberto Vasquez ng Panama sa idinaos na weigh-in kahapon sa Manila Ocean Park.
Nakatakdang magsagupa sina Francisco at Vasquez para sa bakanteng World Boxing Association (WBA) International super flyweight crown ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Dinadala ni Francisco ang kanyang malinis na 17-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 13 KOs, habang taglay naman ni Vasquez ang 27-3-0 (20 KOs) slate.
“Pagkakataon ko na ito para makakuha ako ng pag-asa sa world title,” sambit ng tubong Sablayan, Oriental Mindoro na si Francisco.
Ang 26-anyos na si Francisco ang kasaluku-yang World Boxing Organization (WBO) Asia-Pacific flyweight titlist matapos igupo si Pichitchok Singmanassak ng Thailand via seventh-round TKO noong 2006.
Sakaling manalo sa 25-anyos na si Vasquez, isang two-time WBA World light flyweight champion, isa sa mga posibleng makasagupa ni Francisco ay si International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight king Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr.
Ang 26-anyos na si Donaire ang bagong WBA interim super flyweight ruler makaraang talunin si Rafael “El Torito” Concepcion ng Panama noong Agosto.
Maliban kay Donaire, nasa listahan rin si WBA title holder Nonou Nashiro ng Japan na humugot ng draw laban kay Mexican challenger Hugo Cazares sa Osaka, Japan.
Nasa undercard naman ng Francisco-Vasquez fight sina Michael Farenas laban kay Jong Ang Baek ng Korea, Michael Domingo kontra kay dating US Olympian at four-time world title challenger Jose Navarro at Milan Milendo laban kay Mexican Guadalupe “Lobito” Martinez. (Russell Cadayona)