Barako Bull team manager na si Chua, namaalam na sa mundo ng basketball
MANILA, Philippines - Sumakabilang buhay si Tony Chua, top official ng Barako Bull ball club na nagsilbing chairman ng PBA board of governors bunga ng aksidente sa kasagsagan ng Bagyong Ondoy noong Sabado.
Ayon sa ulat, si Chua ay nalunod sa baha sa kanyang pag-uwi sa bahay sa Antipolo. Natagpuan ang kanyang katawan kahapon ng umaga.
Kasama niya ang kanyang driver at assistant nang maganap ang aksidente. Ayon sa kanyang driver, unang lumabas ng sasakyan ang kanyang assistant na agad tinangay ng malakas na ulan. Si Chua naman ay nakakapit sa isang puno nang tamaan ng kahoy at nalaglag hanggang sa malunod. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa natatagpuan ang katawan ng kanyang assistant.
Si Chua ay kasama na ng Energy Food at Drink basketball team noong panahon pa ng PBL. Siya rin ang kinatawan ng Barako Bull sa PBA board.
Samantala, naiyak naman si PBA assistant coach Koy Banal sa nangyari kay Chua dahil nasaksihan niya ang nangyari dito.
Ang mga Banal at Chua ay kapwa naninirahan sa Filinvest subdivision sa may Marcos Highway sa Antipolo.
Nakakapit sa puno si Banal nang makita niya ang isang lalaking sinasagip ngunit nakabitiw bago ito nahawakan ng mga rescuer.
“Koy was hysterical and shouting on the phone when he learned that it was Mr. Chua,” wika ni Purefoods coach Ryan Gregorio sa text message.
Ayon kay Gregorio, si Banal ay nakakapit sa isang kahoy sa kasagsagan ng Bagyong Ondoy.
Marami ang nagulat sa nangyaring ito sa palakaibigan na si Chua lalung-lalo na sa kanyang mga kasamahan sa PBA board.
Samantala, bunga rin ng tinamong pinsala ng Bagyong Ondoy, kinansela kahapon ang nakatakdang PBA Press Corps Awards Night sa The Alegria ng Waterfront Manila Pavilion kung saan pararangalan bilang Coach of the Year si Chot Reyes ng Talk N Text Tropang Texters.
Sa halip, gaganapin sa Biyernes, October 2, ang parangal sa nasabi ring lugar.
Kasama ni Reyes na pararangalan si Danding Cojuangco na napiling Exe-cutive of the Year at iba pang players at reperi na nagpakita ng mahusay na performance sa buong season. (Nelson Beltran)
- Latest
- Trending