MANILA, Philippines - Mabigat ang loob na nagtungo ng gym si Manny Pacquiao ngunit tuloy ang pang araw-araw na gawain sa kabila ng pagkamatay ng dating business manager niyang si Rodolfo “Mang Rod’ Nazario kahapon.
Yumao si Nazario kahapon ng alas-8:50 ng umaga sa Perpetual Help Hospital sa Las Piñas kung saan ito nakaratay matapos ipagdiwang ang kanyang ika-74th kaarawan noong Setyembre 12. Pinal na tumunog ang bell para sa pinakamaningning na pigura ng Philippine boxing matapos ang isang taong pakikipaglaban sa lung cancer katabi ang pamilya.
Nakarating kay Pacquiao ang balita sa pamamagitan ng text message ng kanilang kaibigang si Gerry Garcia na kasama si Moy Lainez at Lito Mondejar ay nabuo ang orihinal na Team Pacquiao.
Sa loob ng kanyang kuwarto sa hotel sa Baguio City, ilang oras matapos tumakbo nang matanggap ni Pacquiao ang masamang balita.
Ipinagpatuloy nito ang kanyang pagsasanay ganap na ala-una ng hapon kasama si Roger Fernandez, batang kapatid ng kanyang kaibi-gang trainer na si Buboy Fernandez at American trainer Freddie Roach.
Nang makipag-usap ito, sinabi ni Pacquiao na para siyang nawalan ng kapamilya.
“Nalulungkot ako sa balita (I am saddened by the news),” ang unang nasabi nito.
Hindi na siya makakapaghintay pa at bibiyahe na siya patungong Maynila para magtungo sa labi ni Nazario.
“Bababa ako,” aniya.
Nagsanay si Pacquiao sa Wild Card gym sa Parañaque na pag-aari ni Nazario nang mabalitaan niyang naospital ito at agad binisita ang dating boss.
Hindi alam ni Pacquiao na yun na ang huli nilang pagkikita.
“Akala ko malakas pa siya nung araw na ‘yun,” malungkot na wika ni Pacquiao.
“Napansin ko sa ospital na lumuluha siya habang kausap ako kaya pinunasan ko pa nga ang luha niya e,” ani Pacquiao.
Sinabi nito na may ibang dahilan ang pagluha ni Nazario.
“Baka nahihirapan na din o natutuwa siya na nandun ako,” wika ni Pacquiao.
“We talked about the (Miguel) Cotto fight. Sabi niya sa akin ‘kaya mo yan basta gumalaw ka lang ng gumalaw’ dagdag pa ni Pacquiao. “And he also reminded me not to be over-confident,” aniya pa.
Ibinilin din ni Nazario kay Pacquiao na isama si superflyweight Eden Sonsona, kamag-anak ng newly-crowned WBO super-flyweight champion na si Marvin Sonsona, sa kanyang Nov. 14 card na laban kay Cotto.
“Gagawin ko yan,” ani-ya.