MANILA, Philippines - Ang karapatang harapin ang defending champion Ateneo ang puntirya ng Far Eastern University at University of the East.
Kung sino ang susuwertihin, yan ang paglalabanan ng Tamaraws at Warriors sa kanilang paghaharap ngayong alas-3:30 ng hapon sa Araneta Coliseum.
Hawak ang momentum bunga ng panalo noong nakaraang Sabado na naghatak ng do-or-die game, muling sasandigan ng UE ang pagiging all-around player ni Peter Lee na naging sandata ng Warriors sa kanilang unang pagtatagpo sa Final four, 84-74 na nagpuwersa ng laban ngayon.
Naiselyo ng Ateneo ang unang finals berth nang sakmalin nila ang University of Santo Tomas, 81-64 noong Linggo sa isang pares ng semifinal.
At sa pagkawala ng pangunahing player ng Tamaraw na si Mark Barroca na hindi na pinaglaro ng management ng FEU bunga ng kontrobersiya sa ‘game-fixing’, dinomina ng Warriors ang Tamaraws sa labang ito kung saan tumirada si Lee ng career-best na 26 puntos performance.
Gayunpaman, hindi makukumpleto ang kasiyahan ng UE kung hindi sila mananalo sa importanteng laban ngayon.
“Our win last Saturday would mean nothing if we can’t pull it off again today,” ani Chongson, na nagdala sa team malapit sa ikalawang finals appearance sa loob ng 23 season.
Bukod kay Barroca, hindi rin pakikinabangan ang beteranong si Jens Knuttel na lumasap ng torn meniscus bagamat nagsagawa ng matinding adjustments si FEU coach Glenn Capacio para sa labang ito.
Ngunit hindi ang injured na si Knuttel ang problema ni Chongson
“Knuttel is the least of my worries. It’s (Paul) Sanga, (Aldrech) Ramos, (Reil) Cervantes, (RR) Garcia, (JR) Cawaling and Noundou,” aniya. (Sarie Nerine Francisco)