MANILA, Philippines - Todo pawis si Manny Pacquiao sa kanyang unang araw sa Wild Card gym sa Parañaque ilang araw bago ang opisyal na walong linggong pagsasanay para sa Nov. 14 na laban kay Miguel Cotto sa Las Vegas.
Si Pacquiao, na duma-ting sa bansa kamakailan ay nag-jogging ng halos isang oras sa loob ng Brenville sa Sta. Rosa, Laguna at nagtungo sa Wild Card gym kasama ang adviser na si Mike Koncz.
Nabigla ang mga taong namamahala sa gym na pag-aari ng dating business manager ni Pacquiao na si Rod Nazario sa biglang pagdating ng Pinoy icon.
Sinalubong ito ni resident trainer Ericsson Aliso na naka-tsinelas lang at halos hindi kinakitaan ng pangangalawang si Pacquiao kung bilis at lakas ang pag-uusapan.
“His right jab felt more like a straight. He’s so strong. His punches are so powerful,” ani Aliso, na tumanggap ng ilang tips kay Pacquiao kung papaano pamamahalaan ang mitts para mailabas ng mga boksingerong kanyang hinahawakan ang kanilang husay.
Pagkatapos ng mitts, tumungo ito sa speed ball at double-end bag para sa kanyang 90-minute workout na sinamahan ng stretching at abdominal exercise habang pinapanood ng ilang fans sa labas ng pintong salamin.
“Ang init (It’s so hot),” wika ni Pacquiao na galing sa mabilisang limang araw na press tour na nagdala sa kanya at kay Cotto sa (New York, Puerto Rico, San Francisco, Los Angeles at San Diego). (Abac Cordero)