Reyes vs Chao sa Face Off 3
MANILA, Philippines - Kung mayroon mang pinakatanyag na pangalan sa larangan ng bilyar, wala nang iba pang mababanggit kundi Efren “Bata” Reyes.
Matapos ang pagbandera sa World of Pool kasama si Francisco “Django” Bustamante, muling nagningning ang karera ng The Magician, di lamang sa bansa, kundi maging sa buong mundo.
Dahil dito, ilulunsad ang one-on-one duel na pinamagatang Face Off Series 3-The Grandmasters haharapin ni Bata ang isa pang Asyanong institusyon sa naturang larangan na si Chao Fong-pan.
Sasargo sa October 28-29, magkakasukatan ng galing ang dalawa sa isang race-to-50 9 ball affair sa Club Capo Exclusive sa Tomas Morato, Quezon City.
Kapwa kumolekta ng kani-kanilang parangal, inaasahang sisiklab ang mainit na labanan.
Ang 55 anyos na tinaguriang Magician na tinuturing na pinakamagaling na cue artist sa buong mundo. Nag-uwi ng two-time world champion at maraming karangalan para sa bansa tulad ng 1999 World Pool Championship, 1994 US Open 9-Ball Champioship, 2004 World 8-Ball Championship at ang IPT World Open 8-Ball Championship kung saan nanalo ito ng record-breaking $500,000, na siyang pinakamalaking papremyo sa kasaysayan ng pocket billiards.
Sa kabilang banda, nakilala rin si Chao bilang kauna-unahang Asyano na bumulsa ng world title sa pocket billiards ng dominahin nito ang WPA World 9-Ball Championship.
Ang naturang kompetisyon ay sumunod na handog ng Face Off Series at Club Capo sa matagumpay na showdown nina dating No.1 Dennis Orcollo at Taiwanese Yang Ching-shun noong Setyembre 8-9 kung saan namayani ang galing ng Taiwanese sa iskor na 50-45.
Dahil sa patuloy na pagtangkilik ng Pinoy sa bilyar, isusunod na rin ang engkwentro sa pagitan nina Francisco “Django” Bustamante kontra American Rodney Morris at Lee Van Corteza laban kay Shane van Boening sa Nobyembre. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending