MANILA, Philippines - Dumating na sa bansa kahapon ng madaling araw si Filipino world minimumweight champion Donnie “Ahas” Nietes mula sa United States.
Matagumpay na naidepensa ni Nietes ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) minimumweight crown laban kay Mexican challenger Manuel “Chango” Vargas via split decision noong nakaraang Linggo sa El Palenque de la Feria sa Nayarit, Mexico.
“Talagang pinilit ko na maidepensa ‘yung title ko at muli itong maiuwi sa Pilipinas,” sabi ng 27-anyos na si Nietes, nagbabandera ng 22-4-3 win-loss-draw ring record ngayon kasama ang 13 KOs.
Kasalukuyan ngayong nasa isang 12-fight winning streak ang tubong Murica, Bacolod City na si Nietes, nauna nang tinalo sina Nicaraguan Eddy Castro (second-round KO) noong Agosto 30, 2008 sa Cebu City at si Mexican Erik Ramirez (unanimous decision) noong Pebrero 28 sa Oaxaca, Mexico.
Ayon kay Nietes, ang pagpapahinga muna sa kanyang katawan ang gagawin niya makaraan na rin ang halos tatlong buwan na pagsasanay sa US bunga ng apat na beses na pagkakaantala ng kanilang laban ni Vargas.
“Siyempre, gusto ko munang magpahinga hanggat maaari,” wika ni Nietes. “Siguro baka December pa ‘yung next fight ko.”
Nakasabay ni Nietes sa pag-uwi sa bansa sina bantamweight Z “The Dream” Gorres at AJ “Bazooka” Banal.
Pinahinto ni Gorres (30-2-2, 17 KOs) si Cruz Carbajal (29-17-2, 25 KOs) sa huling dalawang segundo ng round six mula sa left arm injury ng 35-anyos na Mexican sa kanilang 10-round, non-title bantamweight fight, habang wala namang laban si Banal. (Russell Cadayona)