MANILA, Philippines - Matapos ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP), ang mga manonood naman sa Davis Cup Asia-Oceania Zone Group II third round tie ang hinihiling ng Philippine tennis team na magsuot ng dilaw na damit bilang pag-alala sa namayapang sina Sen. Benigno “Ninoy” Aquino at dating Pangulong Corazon C. Aquino.
Sinabi kahapon ni Philippine Lawn Tennis Association (PHILTA) administrator Randy Villanueva na ito ang kanilang napagkasunduan bago pa man sagupain ng RP squad ang New Zealand sa Setyembre 18-20 sa Philippine Columbian Association tennis courts sa Paco, Manila.
“We want to ask everyone to wear yellow to be the theme of our tie and we’re gonna do something special,” ani Villa-nueva sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila.
Ang nasabing ‘something special’ na tinutukoy ni Villanueva ay ang pagbibitbit nina tennis players Cecil Mamiit, Treat Huey, Johnny Arcilla at Elbert Anasta ng portrait nina Ninoy at Cory Aquino.
Inaasahan rin ni Villanueva na magkakaroon ng oras ang mga anak at apo nina Ninoy at Cory Aquino na manonood sa laban ng Nationals sa Kiwis sa PCA.
Ang panalo ng RP Team sa New Zealand ang mag-aakyat sa mga Pinoy sa Group I ng Davis Cup na huling nangyari noong 2008 kung saan sila natalo sa Japan (0-5), Uzbekistan (2-3) at Kazakhstan (0-5) pababa sa Group II.
Ipaparada ng Kiwis, winalis ang Malaysia at Indonesia, 5-0, bago sagupain ang Nationals, sina Daniel King Turner, G.D. Jones at ang magkapatid na Jose at Mikal Statham. (Russell Cadayona)