Artest sinamahan sina Pacquiao at Cotto
BEVERLY HILLS --Malayung-malayo sa kanyang imahe si Ron Artest, ang tinaguriang big bad boy ng NBA, nang dumating ang bagong miyembro ng Lakers sa Manny Pacquiao-Miguel Cotto press conference sa Beverly Hills Hotel dito sa Los Angeles.
Ang 29 anyos na 6’7 na si Artest, kilabot sa depensa at pagiging mainitin ang ulo sa loob at labas ng court ay dumating sa press conference at umupo sa tabi ng mga Pinoy sportswriters bago tinawag sa tanghalan.
Nakasuot ng purple at yellow attire,niyakap ni Artest ang dalawang boksingero sa ballroom na punum-puno ng media sabay sabing “My son is Filipino but he’s been living in Puerto Rico now.”
Siyempre si Pacquiao ang Filipino habang si Cotto, ang reigning WBO welterweight champion naman ay mula sa Puerto Rico.
At nagpakuha ng larawan ang dalawang boksingero kay Artest. At para masigurong maganda ang kalalabasan ng letrato, tumuntong ang 5’6 na si Pacquiao sa stool na ikinasiya ng mga manonood at walang tigil sa pag ngiti si Pacquiao habang katabi ang NBA star.
Gayunpaman, hindi pumili si Artest kung sino sa pagitan nina Pacquiao at Cotto ang magwawagi.
“I can’t choose a fighter but I was to see a great fight. I just can’t wait to see a great fight,” ani Artest, na humakot ng atensiyon sa loob ng ballroom habang nakasabit ang WBC diamond belt sa kanyang balikat.
“Too bad I can’t catch it live because of the NBA. But I’ll catch it on pay-per-view. I really can’t wait,” aniya. (Abac Cordero)
- Latest
- Trending