MANILA, Philippines - Ito na marahil ang magiging krusyal na bahagi ng professional boxing career ni light flyweight Rodel Mayol.
Sa ikalawang sunod na pagkakataon, muling tatangkain ni Mayol na agawin kay Ivan “Iron Boy” Calderon ng Puerto Rico ang suot nitong World Boxing Organization (WBO) light flyweight crown ngayon sa Coliseo Jose Miguel Agrelot sa Puerto Rico.
Nauwi sa draw ang kanilang unang pagtatagpo noong Hunyo 13 sa Madison Square Garden sa New York City matapos itigil ang laban sa sixth round dahil sa pagbuka ng sugat ni Calderon sa noo mula sa isang accidental headbutt kay Mayol.
“Puro takbo lang ang ginawa niya sa first fight namin. Ngayon, hindi ko na siya patatakbuhin,” sambit ni Mayol, sinanay ni Filipino trainer Buboy Fernandez sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.
Sinabi ng 49-anyos na si Freddie Roach, tumatayong chief trainer ni Mayol, na ang left hook ang magiging sandata ng pambato ng Mandaue City, Cebu laban sa isang kaliweteng kagaya ni Calderon.
“The left hook is the best weapon against a southpaw. He likes to use the right hand but we have to get him in position,” ani Roach.” (Russell Cadayona)