MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon, nakaharap kahapon ni Filipino world minimumweight champion Donnie "Ahas" Nietes si Mexican challenger Manuel "Chango" Vargas.
Nagkita sina Nietes at Vargas sa idinaos na press conference para sa "Latin Fury 11" sa Furia Latino Dos sa Ex Hotel Palacio sa Tepic, Nayarit, Mexico.Itataya ni Nietes ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) minimumweight crown laban kay Vargas sa Linggo sa 4,000-capacity na El Palenque de la Feria sa Nayarit, Mexico.
Kasalukuyang ibinabandera ng tubong Murcia, Bacolod City ang kanyang 21-4-3 win-loss-draw ring record kasama ang 13 KOs kumpara sa dinadalang 26-3-1 (11 KOs) slate ni Vargas.
Ito ang magiging pa-ngatlong pagdedepensa ng 27-anyos na si Nietes ng kanyang WBO belt na napanalunan sa kanilang salpukan ni Pornsawan Kratingdaenggym, ngayon ay Porpramook, ng Indonesia via unanimous decision noong Setyembre 30, 2007 sa Cebu City.
Matapos nito, matagumpay na nakapagtanggol si Nietes ng titulo laban kina Nicaraguan Eddy Castro at Mexican Erik Ramirez via second-round KO at unanimous decision, ayon sa pagkakasunod.
Tinalo ni Nietes si Castro noong Agosto 30, 2008 sa Cebu City, habang binigo naman niya si Ramirez noong Pebrero 28, 2008 sa Oaxaca, Mexico.
Hindi pa natatalo si Nietes sa kanyang huling 11 laban matapos mauwi sa draw ang kanilang banggaan ni Nino Suelo noong Hulyo 30, 2005 sa San Andres Civic and Sports Center sa Malate, Manila.
Ang 28-anyos namang si Vargas ang kasaluku-yang WBO interim minimumweight titlist makaraang talunin ang mga kababayang sina Daniel Reyes at Walter Tello. (Russell Cadayona)