Pag-inom ni Marquez ng ihi

Nagiging malaking isyu ang pag-inom ni Juan Manuel Marquez ng sarili niyang ihi. Ayon sa mga diumano’y ulat mula sa kampo ni Manny Pacquiao, isa iyan sa mga dahilan kung bakit matatalo siya kay Floyd Mayweather. Pero tama ba ang mga hinalang ito?

Ang pinakatanyag na katauhang di itinagong umiinom ng sari-ling ihi ay ang dinadakilang lider ng India na si Mahatma Gandhi. Pamilyar ang mga tao sa kanyang kapayakan ng buhay, at mabibilang lang sa daliri ng dalawang kamay ang kanyang pag-aari. Isa sa kinasanayan niya ay ang pag-inom din ng sariling ihi.

Samantala, ang urine therapy o urotherapy or unirotherapy (UT) ay pinaniniwalaan ng iba na maraming benepisyo. Kabilang dito ang pag-inom nito, pagligo dito, at pagpapamasahe gamit ito. Nabanggit pa nga ito sa mga sinaunang kasulatan sa Rome at India. Kaya hindi na ito bago.

Ayon sa mga naniniwala, maraming benepisyo ang paggamit ng sariling ihi, pati ang paggamot sa ilang uri ng cancer. Kasama sa diumano’y nagagamot nito ay ang multiple sclerosis, colitis, lupus, rheumatoid arthritis, cancer, hepatitis, pancreatic insufficiency, psoriasis, eczema, diabetes at herpes sa mga 175 na sakit na nagagamot daw sa pamamagitan ng UT. Pero sa mga hindi sanay, may mga ulat ng pagsusuka at pagkasira ng tiyan.

Kung tutuusin, ang ihi ay 95% tubig. Ayon sa American Cancer Society, “drinking or injecting urine or applying it directly to the skin is safe and not linked to any harmful side effects, but the safety of these practices has not been established by scientific studies”. Ibig sabihin, walang masamang naidudulot, subalit hindi pa ito nalathala sa mga scientific journal. Sa madaling sabi, pawang testimonial pa lang ang ebidensya, bagamat milyon na ang nagsabing ginagawa nila ito.

Pag labis ang iyong pag-inom ng mga bitamina, lalabas at lalabas din ito sa iyong ihi. Marahil, isa ito sa dahilan kung bakit ginagawa ng ilang tao ang pag-inom nito. At ang katuwiran ng iba, kung malinis ka naman sa iyong pangangatawan, malinis din naman ang likidong lalabas sa iyo. At bagamat hindi niya binabanggit ng tahasan ang ihi, sinabi ng kilalang manunulat na si Deepak Chopra na nasa katawan tao ang lahat ng kailangan nito upang gamutin ang sarili.

Ayon pa sa ibang kasulatan, binubuhay ng sariling ihi ang immune system sa paggising sa lymphatic system, at pagbalik ng balanse sa katawan ng tao.

Kung talunin ni Marquez si Mayweather, maniniwala na kaya tayo sa mga ginagawa niya?

Show comments