Title fight 'di na pakakawalan ni Mayol

MANILA, Philippines - Para sa kanyang ikalawang sunod na title fight, hinding-hindi na pakakawalan pa ni Filipino challenger Rodel Mayol ang pagkakataon.

“Lalabanan ko ang isang champion sa hometown niya at alam ko ring wala pang nananalo sa kanya, kaya kailangan ko talagang ma-knockout siya para manalo ako,” sabi ni Mayol sa muli niyang paghahamon kay world light flyweight champion Ivan “Iron Boy” Calderon ng Puerto Rico.

Nakatakdang magtagpo sina Mayol at Calderon, ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) light flyweight titlist, sa Setyembre 12 sa Puerto Rico.

Hangad ng 28-anyos na si Mayol na masundan ang paghahari ng 19-anyos na si “Marvelous” Marvin Sonsona kay Jose “Carita” Lopez ng Puerto Rico via unanimous decision para sa WBO super flyweight crown noong Sabado sa Ontario, Canada.

Sa kanilang unang pagkikita noong Hunyo 13 sa Madison Square Garden sa New York City, itinigil ang laban sa sixth round bunga ng pagbuka ng sugat ni Calderon sa noo mula sa isang accidental headbutt kay Mayol.

“I can’t change much from what I normally do because you can’t change who you are over night,” wika ni Calderon. “I have to return to my winning style, to hit and not be hit.”

Dadalhin ni Mayol ng Mandaue City, Cebu ang 25-3-1 win-loss-draw ring record kasama ang 19 KO’s, habang ibinabandera naman ng 34-anyos na si Calderon ang 32-0-1 (6 KO’s) slate. (Russell Cadayona)

Show comments