Duelo del Guapos aarangkada sa Oktubre 3
MANILA, Philippines - Wala ng mahihiling pa ang mga boxing fans sa pinakahihintay na Duelo del Guapos: Bakbakan sa Perlas ng Silangan nina Drian ‘‘Gintong’’ Kamao at Roberto ‘‘La Arana’’ Vasquez sa Oktubre 3 sa Astrodome sa Pasay City.
Aapaw rin sa aksyon ang mga main supporting bouts sa labanan na mapapanood ‘‘live’’ sa Estados Unidos, Canada, Colombia, Hawaii, Panama at iba pang bansa.
Matindi ang magiging sapakan nina Michael Fareñas (26-2-2- win-loss-draw) at Korean Jong Ang Baek (11-2) sa main supporting bout para sa World Professional Boxing Federation featherweight title.
Ngunit lalo pa itong magiging kapana-panabik matapos kumpirmahin ni Saved by the Bell Promotion president Elmer Anuran na haharapin ni WBC Inter-continental light-flyweight titleholder Milan Melindo ng Pilipinas si Mexican Ivan ‘‘Rollito’’ Meneses sa isang non-title bout.
Hindi pa nakakatikim ng talo si Melindo sa 18 laban, samantalang ang Mehikano na tubong Puebla, Puebla, Mexico ay may 14 (8KOs), 5-1 marka.
Sa nasabing fight card, tatangkain ni Francisco (17-0-1 13KOs) na pagharian ang WBA superflyweight international championship kontra Vasquez (27-3 20 KOs).
Isa pang nakawiwiling bakbakan ang mangyayari sa pagitan nina Michael Domingo at dating US Olympian Jose Navarro.
Magiging matindi rin ang palitan ng suntok nina lightweight Al Sabaupan at Mexican Josafat ‘‘Leoncito’’ Perez sa isa pang supporting bout. Kasama ni Sabaupan si Francisco na nagsasanay sa Touch Gloves Boxing Gym sa Agoncillo, Batangas.
Mapapanood rin sina Lolito Sonsona vs. Ryan Makiputin (106 lbs, 10 rounds); Joe Galamiton vs. Jessie Albaracin (113 lbs.,8 rds); Jay Soimiano vs Dennis Padua (138 lbs, 8 rds); RJ Dolorosa vs. Samuel Apuya (112 lbs, 8 rds.); Mark Vito vs. Jeffrey Cerna (112 lbs, 6 rds); Ronelle Esparas vs Randy Migreno (130 lbs, 6 rds); Rey Perez vs. Jay Palido (115 lbs, 6 rds); at Dennis Tubieron vs. Ryan Soliveres (116 lbs, 4 rds).
Sa reserbasyon ng tiket, maaaring mag log on sa www.ticketnet.com.ph o tumawag sa 911-5555.
- Latest
- Trending