MANILA, Philippines - Kagaya ng inaasahan, nagparamdam ang kampo ni dating Mexican world light flyweight champion Ulises "Archie" Solis ng kagustuhang muling makatapat si Brian "The Hawaiian Punch" Viloria sa isang rematch bago matapos ang taon.
Sa panayam kahapon ng PhilBoxing.com kay Guillermo Brito, ang Mexican promoter ni Solis, sinabi nitong umaasa silang mapagbibigyan ni Viloria.
"We are looking for the rematch to happen in November or December this year, if that won't happen, we'll do it early next year," ani Brito sa kanilang gagawing hakbang para sa rematch nina Solis at Viloria.
Matatandaang tinalo ni Viloria si Solis via 11th-round TKO para agawin sa Mexican ang suot nitong International Boxing Federation (IBF) light flyweight crown noong Abril 19 sa Araneta Coliseum.
Ayon kay Brito, wala silang pipiliing lugar para sa muling pagtatagpo nina Solis at Viloria, dati nang naghari sa World Boxing Council (WBC).
"We prefer the fight to be in Mexico but I know that it will be difficult to do that. If a Mexico fight won't happen, we will fight him anywhere," sabi ni Brito.
Kabilang sa mga tinalo ni Solis, may 28-2-2 win-loss-draw ring record kasama ang 20 KOs, sina Filipino fighters Rodel Mayol, Bert Batawang at Glenn Donaire.
Parehong nasa bakuran ng Top Rank Promotions ni Bob Arum sina Viloria at Solis.
"Fernando Beltran is talking to Arum and Arum is talking to Brian's manager Gary Gitthelson, so I think the fight can be made soon," wika ni Brito. (Russell Cadayona)