MANILA, Philippines - Hindi pa huli ang lahat para sa Adamson University para magpakitang-gilas nang dagitin ang panalo sa pamamagitan ng 83-64 kontra sa University of Santo Tomas kahapon sa pagpapatuloy ng 72nd UAAP seniors basketball tournament sa FilOil Flying V San Juan City.
Hindi man naging tuwiran ang intension, natulungan ng panalong ito ang La Salle na magkaroon ng tsansang mailusot ang sarili sa Final Four ng naturang liga.
Bagaman wala nang patutunguhan ang kahihinatnan ng laban, binuhos pa rin ng tropa ni coach Leo Austria ang buong galing para maangkin ang laban at iposte ang 4-9 baraha na kinukunsiderang pinakamaganda sa loob ng tatlong season.
Dahil sa natamong kabiguan, sa ikalawang pagkakataon ay nabigong makapasok ang UST sa semis. Bumaba ang Tigers nang isang hakbang, 6-7, may isang larong lamang kumpara sa Archers na may 5-8 marka para sa pakikipag-agawan sa hu-ling silya sa Final Four.
Subalit hindi pa rin makampante ang Archers sapagkat mayroon pang natitirang pag-asa ang Growling Tigers, kapag napataob nito ang Red Warriors, paniguradong mawawala na sa landas ang kontensyon ng DLSU.
Kumonekta si Leo Canuday ng kanyang personal high na 18 points at 8 rebounds para isalba ang Falcons, habang nagdagdag rin si Alex Nuyles ng 16 points, 6 boards at 4 blocks para paligayahin ang cheering crowd ng AdU.
Sa kabilang banda, kinapos ang 14 points tala ni Clark Bautista at ang malamyang 13 points, 6 rebounds, 3 blocks at 3 assists produksyon ni Dylan Ababou para sa UST.
Ang Maroons lamang ang nakadungis sa imakuladang baraha ng Ateneo sa first round, 58-68, ang nag-iisang kabiguan ng Blue Eagles na may hawak ngayong 12-1 marka.
Nagbida muli si Eric Salamat na tumirada ng 23 puntos katulong si Jai Reyes na may 18 puntos naman.
Tuluyan ng wawakasan ng Ateneo ang elimination round sa kanilang pakikipaglaban sa Far Eastern University para sa semis top seed sa Sabado.
Para sa aksiyon sa juniors division, nagtulong sina Kiefer Ravena at Ael Banal para maingatan ang malinis na record at walisin ang UE Junior Warriors, 78-61 habang tumipa ng 28 points si Cedrick Labing-isa ng UST para durugin ang Baby Falcons. (Sarie Nerine Francisco)