Tañamor, Tipon laglag

MILAN, Italy - Nawala ang dalawang pinakamala-king pangalan sa Team Philippines, naiwan naman ang matapang at batang si Charly Suarez na magdadala sa pangalan ng mga Pinoy sa 15th AIBA World boxing championships sa Mediolanum Forum dito.

Bigong masundan ang trend ng kalaban, yumuko ang natatanging pag-asa ng bansa na si two-time Olympian Harry Tañamor, na kanyang kauna-unahang first round na kabiguan sapul nang mapagwagian ang first World Cup noong December, sa subok nang si Hovhannes Danielyan ng Armenia, 3-11.

Makalipas ang anim na oras matapos ang kabiguang ito, buong giting namang umakyat ng ring si Joan Tipon ngunit tulad ng inaasahan nalasap ang 0-2 pagkatalo kay second seed Abdelhalim Ouradi ng Algeria sa bantamweight bout.

Ang dalawang kabiguan ng five-member RP team, na ang tanging ang pag-asa para sa pag-ani ng gintong medalya ay si Suarez, ay may kahirapan ng abutin.

Magbabalik sa ring ang 21 anyos na si Suarez upang harapin ang mas matangkad na si Joo Min Jae ng South Korea para sa puwesto sa round of 16 ng featherweight division at nangangailangan lamang ng isang panalo upang mapatagal ang pananatili ng Filipino team dito sa napakagandang fashion capital ng bansa.

Nagdebut si Suarez sa pamamagitan ng panghihiya kay Julian Stan ng Romania, 18-8 sa panalong nagbigay sa Philippines ng malakas na panimula sa biennial meet na ito.

Sa isang malaking pagkadismaya sa isang aakyat sa ring na inaasahan ng lahat, hindi man lang nakatama si Tañamor sa buong 9 minute, 3 rounds na bakbakan at tumanggap pa ng mga suntok hanggang sa dulo ng labanan.

Abante sa 7-3 patungo sa pagtatapos ng second round, nawalan pa ng coach si Danielyan na pinatalsik ni American referee Miguel Rosrio dahil sa madalas na pagbibigay ng instruction habang nasa sidelines.

Nakakadismya din ang laban ni Tipon na tila takot sumuntok at makipagsabayan sa kalaban.

Bagamat bigo si Tañamor, wala pa sa isip nito na magretiro na at katunayan sasabak pa ito sa Southeast Asian Games sa Disyembre at Asian Games sa China sa susunod na taon kapag nanalo siya sa tryouts para sa national squad.

Show comments