Sonsona, bagong WBO superflyweight champion
MANILA, Philippines - Hindi siya ang “Marvelous” na si undisputed world middleweight titlist Marvin Hagler, kundi siya ang bagong world super flyweight champion na si Marvin Sonsona.
Tinalo ni Sonsona si Jose “Carita” Lopez ng Puerto Rico via unanimous decision upang agawin sa Puerto Rican ang suot nitong World Boxing Organization (WBO) junior bantamweight crown kahapon sa Casino Rama sa Ontario, Canada.
Kumolekta si Sonsona, may 14-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs kumpara sa 39-7-2 (32 KO’s) slate ng 37-anyos na si Lopez, ng 114-111, 115-110 at 116-109 puntos mula sa tatlong judges.
Sa edad na 19-anyos, ang tubong General Santos City, ang 5-foot-7 na si Sonsona na ang pinakabatang Filipino fighter na naging world boxing champion.
Ipinakita ni Sonsona, unang pagkakataon na umabot sa 12 rounds ang laban, ang kanyang pagiging isang ‘technical fighter’ nang paulanan ng mga jabs, uppercuts at combinations si Lopez.
Isang matulis na right hook ni Sonsona ang nagpabagsak kay Lopez sa dulo ng fourth round bago napatawan ng two-point deduction ang dating kampeon sa round 8 bunga ng low blow sa Pinoy fighter.
Makikita rin sa istilo ni Sonsona ang galaw ni world flyweight king Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. bunga na rin ng pagtayo ng ama ng huling si Nonito, Sr. bilang trainer niya.
Bago agawin ang WBO super flyweight belt ni Lopez, tinalo muna ni Sonsona si two-time World Boxing Council (WBC) interim champion Wandee Singwancha ng Thailand mula sa isang second-round TKO para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) Oriental flyweight title.
Hindi natatapos ang salpukan ng mga Filipino at Puerto Ricans sa itaas ng boxing ring.
Muling hahamunin ni Rodel Mayol si WBO light flyweight ruler Ivan “Iron Boy” Calderon sa Setyembre 12 sa Puerto Rico, habang sasagupain naman ni Manny Pacquiao si WBO welterweight titlist Miguel Angel Cotto sa Nobyembre 14 sa Las Vegas, Nevada. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending