MANILA, Philippines - Walang awa, binugbog ng reigning three peat champion San Beda ang miserableng Perpetual Help sa pamamagitan ng baliktarang iskor, 96-69 kahapon upang lumapit sa Final Four ng 85th NCAA basketball tournament sa The Arena, San Juan City.
Trinangkuhan ni American giant Sudan Daniel ang pagbugbog sa Altas sa pagkonekta ng 17 points, 8 rebounds, 4 blocks at 2 assists na dinagdagan pa ni Garvo Lanete ng 15 points, career high 12 caroms at 3 assists para palakasin ang kampanya ng Red Lions sa liga.
Tanging ang San Sebastian na lamang ang hindi pa nakakatikim ng kabiguan kung kaya’t patuloy ang paghahari nito sa tuktok na may 12-0 rekord. Ngunit para umabante sa fourth straight Final Four appearance, kinakaila-ngang patumbahin ng San Beda ang mapanganib na Arellano U sa Miyerkules.
Pumaibabaw rin ang husay ng third string guard na si Anjo Caram na kumolekta ng 13 points, para punan ang pagkawala ni Borgie Hermida na lumiban sa laro dahil sa iniindang sakit sa kanang binti, ay naging epktibong kapares ni Daniel sa pagkubra ng tagumpay ng San Beda.
Sa isa pang senior match, muli na namang umatake si John Wilson na nagsubi ng 25 points, 12 rebounds at 3 assists na humikayat kina John Agas at Mark Cagoco na mag-ambag ng 16 at 15 points produksyon ayon sa pagkakasunod.
Sa aksiyon sa juniors division, tulad ng pangyayari sa seniors, nilapa rin ng batang Lions ang Perpetual Help, 105-80, at ginapi naman ng Light Bombers ang Junior Chiefs, 90-78 para sa ika-siyam nitong pana-naig. (SNFrancisco)