Stags nananatiling imakulada ang marka
MANILA, Philippines - Buhat sa 12 araw na pahinga, pinatunayan ng San Sebastian na hindi ito kinalawang, bagkus mas lumakas pa ang pwersa nito nang ibaon ang Emilio Aguinaldo sa isang record breaking na pagkatalo, 109-63 kahapon para ikamada ang 12th sunod na panalo sa 85th NCAA basketball tournament sa The Arena, San Juan City.
Tumahi ng 22 points, pinamunuan ni Jimbo Aquino ang pagdomina ng Stags sa walang kalaban laban na Gene-rals. Sa padagsa ng tulong mula kina Dave Najorda, Ian Sangalang at Calvin Abueva na may 20, 19 at 17 points kontribusyon ayon sa pagkakasunod, nagiging malinaw na ang daan na tatahakin ng grupo patungo sa kampeonato.
Sa ilalim ng kanyang pamamahala, ang 46 point margin ng koponan ang maituturing na pinakamalaki ngayong season magmula ng mapataob ng Mapua ang Angeles U Foundation, 101-63 sa una nilang paghaharap.
Samantala, para sa juniors division, nananati-ling malinis ang barahang pinangangalagaan ng Letran nang wasakin nito ang diskarte ng CSB, 86-63 para ibandera ng 13th panalo.
Nailapit ng Letran ang sarili sa awtomatikong puwesto sa finals dahil sa 23 points ni Archie Iñigo, 20 points, 18 rebounds produksyon ni Khobuntin at 19 points, 8 assists ni Jarelan Tampus.
Sa isa pang laban, napayuko ng San Sebastian ang EAC, 98-56 para pagandahin ang baraha, habang nalaglag naman sa ikapitong pagkakataon ang Junior Blazers.
Dahil sa matatalinong payo ni Agustin, napag-inam ng Stags ang bawat aspeto ng kanilang laro. Bumulusok sa rebounding, assists, steals at shooting, hindi na nagawang kumana pa ng EAC sa kabila ng 30 points ambag ni Argel Mendoza.
Sa ikalawang laro, humugot ng lakas mula sa Smart Gilas Pilipinas veteran Rey Guevarra, humigpit ang kapit ng Letran sa ikaapat na posisyon makaraang kalampagin at basagin ang St. Benilde, 69-54.
Tumipa ng 15 points mula sa kanyang kabuuang 22 points sa huling period, nagningning ang galing ni Guevarra na siyang tumapos sa karera ng kalaban.
Sinamantala ang kawalan nina Jeff Morial, Robbie Manalac at Alex Wong na kasalukuyang mayroong injury, tuluyang nalubog ang Blazers sa kabiguan. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending