Basadre binugbog ang Pakistani

MILAN --Masyadong mabigat na kalaban si lightwelterweight Genebert Basadre kay Aamir Khan nang magwagi ang Pinoy sa Pakistani sa pamamagitan ng puntos para sa magandang panimula ng five-member Philippine team dito sa 5th AIBA World boxing championships sa Mediolanum Forum.

Mainit ang naging pa-nimula ng 25 anyos na si Basadre at higit na mas mainit sa pagtatapos ng kumunekta ito ng tatlong magagandang suntok sa ulo sa ikatlong round upang iposte ang 5-1 panalo laban sa Pakistani.

 “Maganda ang kundisyon kaya medyo napadali yung panalo,” wika ni Basadre.

Susunod na makakalaban ni Basadre ay si Myke Carvaho ng Brazil na tumalo kay Manoj Kumar ng India, 5-4 sa naunang laban.

Dalawa pang Pinoy ang sasabak sa aksiyon sa ikatlong araw ng dalawang linggong torneo na nilahukan ng may 144 bansa at binabanderahan ng mga Olympics at world amateur stars sa pangunguna ni defending super heavyweight champion Roberto Camarelle ng Italy.

Magiging magaan ang unang laban ni dating Asian Games champion Joan Tipon sa kanyang pakikipagtagpo kay Sri Lankan Kamai Gamathiralalage sa isa sa 23 fights sa bantamweight class.

Ngunit hindi naman masasabi ito sa kababayang si Joegin Ladon na mapapasabak naman kay Thomas Stalker ng England sa lightweight division.

Ang tanging Pinoy na nakakuha ng bye sa kanyang unang round na asignatura ay si two-time Olympian Harry Tañamor na ang unang akyat ay sa Setyembre 5 kontra sa Armenian na si Hoyhannes Danielyan, ang boxer na hindi pa niya nakakalaban at nakikilala.

Ang 31-year-old na si Tañamor na pang-19th sa ranggo sa AIBA seeding sa flyweight division ay ngayon lamang uli mapapasabak sa international tournament ngayong taon. Ang huli niyang nilahukan ay noong Disyembre 2008 nang sumali ito at nagwagi sa first World Cup sa Moscow kontra sa Cuban na si Yampier Hernandez.

Show comments