Team US lusot sa Malta pair
MANILA, Philippines - Sa isang makapigil-hiningang sarguhan, nalusutan ng defending champion US ang Malta habang hindi naman umubra ang kasekshian ng Korean belles sa mata ng China nang igupo sila ng Chinese duo, 8-5 sa panimula ng PartyCasino.net World Cup of Pool sa SM North EDSA Activity Center kahapon.
Nalusutan nina Rodney Morris at Steve Van Boening, ang malaking banta nina Tony Drago at Alex Borg, 8-7.
At sa unang araw ng kompetisyon, nagpasiklab din ang Indonesia at France nang umusad sila sa Final 16 makaraang payukurin ang India at Canada, ayon sa pagkakasunod.
Tinapos ng Indon duo nina Muhammad Simanjuntuak at Muhammad Zulfikri ang Indian na sina Raj Hundal at Dharminder Singh Lilly, 8-3, habang pinabagsak ng Frenchmen na sina Stephan Cohen at Vincent Facquet ang Canadian pair nina Tyler Edey at Jason Klatt, 8-1.
Kasalukuyan namang nakikipagsarguhan ang Philippine Team -A nina Efren ‘Bata’ Reyes at Francisco ‘Django’ Bustamante sa Qatar pair gayundin ang isa pang pares ng Pinoy na sina Dennis Orcollo at Ronnie Alcano ng RP-B laban sa Thailand, habang sinusulat ang balitang ito.
Pinatikim muna nina Fu Jian-bo at Li He-wen nang dalawang racks ang tambalang nina Ga Young Kim at Yun Mi Lim para makipuwesto ang koponan sa Round of 16 ng prestihiyosong torneong unang napagwagian ng Team Philippines na kinatawan nina Reyes at Bustamante noong 2006.
Sinira ng tambalan ng mga Intsik ang araw para sa mga manonood nang agad nilang dinispatsa ang nagseseksihang Korean belle, ang unang all-female team na lumahok sa torneo. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending