Isyu ngayon ang hindi pagpirma ni Japeth Aguilar sa Burger King bilang top pick sa PBA Draft.
Ayon kay Japeth nais niyang maglaro para sa bansa sa kanyang pagsali sa Smart Gilas, ang national training pool na hinahasa ng isang dayuhang coach na si Rajko Toroman.
Bakit naman hindi natin pagbigyan ang bata sa kanyang gusto?
Pinagdududahan kasi ang intensiyon ni Japeth sa hindi niya pagpirma sa Burger King bilang top pick.
Tunay man o hindi ang intensiyon ni Japeth, siguro naman karapatan nya yun.
Malay natin totoo sa kanyang puso ang maglaro para sa bansa.
Yan ang mga kailangan natin di ba?
Kailangan ng mga players na may ‘puso’ sa paglalaro para sa ating bansa.
Tulad ng mga dating National players natin na nagpapakamatay sa paglalaro para sa bansa.
Noon kasi, kapag collegiate o amateur player ka pa lang ang unang puntirya mo ay makabilang sa National team. At siyempre tsaka na lang ang professional league o liga na may suweldo.
Kaya nga nabaon na tayo sa kangkungan dahil nga lahat na ata ng amatuer at collegiate players ay nais agad makapunta sa PBA para makatikim agad ng malaking suweldo.
Hindi ko naman sila pinupulaan sa kanilang gustong maging pro para sa malaking pera. Siyempre sa hirap ba naman ng buhay ngayon eh sino ba ang hindi nagnanais na kumita agad.
Noong 80s hanggang 90s talagang ambisyon ng lahat ng players na makasama sa National Team.
Kaya tuloy bumaba din ang performance ng National team sa mga international tournament dahil nga sa wala ng masyadong gustong maglaro para sa bansa.
Hindi ko rin naman binabalewala ang naging contribution ng PBA players sa paglalaro nila para sa bansa pero, laging kulang ang kanilang panahon dahil nga naglalaro sila sa kanilang mother team.
Kung baga eh laging tatlo hanggang 5 buwan lang sila nagsasama-sama kaya laging kinakapos sa huli.
Maganda nga itong ginagawa ng Smart Gilas team dahil ngayon pa lamang magkakasama na sila. At least two to three years na magkakasama baka naman maging maganda na ang resulta.
Sana nga itong Smart Gilas na sasamahan ni Japeth ang maging simula ng pagbangon ng Philippine basketball sa international scene.
Wish ko lang!
* * *
Personal: Happy birthday sa aking Tita Girlie Medina na magdiriwang ng kanyang kaarawan sa September 3 kasabay ni UST coach Pido Jarencio. Happy birthday din kay Dominic Ocampo (Sept. 4) Barry Pascua (September 5), kay Nanay Carolina Cadahig (Sept. 5), Teacher Yen Rivera (Sept. 5), at Annika Ocampo (Sept. 10).
Nami-miss ko tuloy ang Daddy ko na magbibirthday din sana sa Sept. 10.