BACOLOD CITY , Philippines -- Nakakuha ng tiket patungo sa grand finals ng 33rd National Milo Marathon sina Eric Panique ng Himamaylan City at Ben Alejandrino ng E.B. Magalona sa Negros Occidental noong Linggo.
Nagrehistro ng impresibong isang oras, 12 minuto at 55 segundo si Panique upang angkinin ang ikaapat na leg title ng karerang ito na ginaganap sa pakikipagtambalan ng Bayview Park Hotel-Manila at Department of Tourism.
Nauna na sana si Alejandrino sa 21K qualifying race ngunit nahabol ito ni Panique sa may pag-ikot ng karera.
Mula dito, tuluy-tuloy nang tinapos ni Panique ang karera sa kahanga-hangang oras.
Kinumpleto ni Panique ang karera upang bukod sa tiket sa grand finals ay maibulsa nito ang halagang P10,000 cash prize at tropeo. Pumangalawa si Alejandrino sa bilis na 1:13.16 para sa P6,000 at tiket din sa National Finals. Ang qualifying time para sa kalalakihan ay 1:15.00.
Pumangatlo naman si Joel Alcorin ng Escalante, Negros Occidental sa tiyempong 1:20:24 at mabigong makapasok sa October 11 finale sa Metro Manila.
Sa kababaihan, walang nakapasok sa National Finals ngunit inangkin naman ni Meriam Miranda ng Victorias City ang kanyang ikatlong leg na titulo.
Pumangalawa si Allyn Frace Salas at ikatlo si Marivic Banate.