Dahil wala pang plano sa pagsasanay: Roach inis na kay Pacquiao

Naiinis na si Freddie Roach dahil hanggang ngayon wala pang plano sa pagti-training si Manny Pacquiao sa kanyang nalalapit na laban kontra kay Miguel Angel Cotto sa November 14 sa MGM Grand sa Las Vegas Nevada.

Abala pa rin sa pagsho-hooting si Pacquiao habang ang kalabang si Cotto ay ilang linggo nang nakapagsimula na ng kanyang pagsasanay.

Ayon sa fighthype.com ni hindi pa nakakapagdesisyon si Pacquiao kung saan ito magtre-training dahil nga hindi na siya maaaring tumagal ng mahigit isang buwan sa Amerika kung ayaw niyang magbayad ng malaking buwis kaya ang unang bahagi ng kanyang training ay sa labas ng Amerika.

Sinabi ni Roach na kinausap na niya ang Canadian adviser ni Pacquiao na si Mike Koncz para malaman ang plano ng Pinoy boxing idol at nainis siya nang wala siyang makuhang sagot. “I’m pissed off about it,” wika ng trainer na madalas ay kalmado.

“I talked to Mike Koncz yesterday, and I said, ‘Where are we going to train?’ aniya, ‘I haven’t asked Manny yet.’ I said ‘you haven’t asked Manny yet? What do you mean you haven’t’ asked Manny yet.’”

Ayon naman sa abogado ni Pacquiao na si Franklin Gacal, walang magawa ang mga taong nakapaligid kay Pacquiao kundi paalalahanan ito na kailangan na niyang simulan ang training dahil malapit na ang laban.

Ayon kay Gacal, sinabihan na niya si Pacquiao na kailangan matapos na ang kanyang mga commitment sa September 5 dahil magkakaroon pa ng press tour na magsisimula sa September 10 kung saan pupunta sila sa New York, Puerto Rico, San Francisco at L.A.

“It’s not only Freddie who’s trying to get it (training) started but us, too. But Manny’s too busy finishing his movie. We, including Mike, never fail to remind him of his commitments on and off the ring,” ani Gacal. “But he’s the boss. He makes the decisions. You know Manny. Freddie knows Manny.”

Gusto ni Pacquiao na gawin ang kanyang training sa Baguio pagbalik nito galing sa press tour ngunit mahigpit itong tinututulan ni Roach na gustong magtraining sa Mexico para walang ‘distraction’ kay Pacman.

Gusto ni Roach na magtraining si Pacquiao sa Toluca o Puerto Vallarta sa Mexico o sa Cancun at maging sa Bahamas at hindi sa Baguio kung saan siguradong laging may pupunta kay Pacquiao tulad ng nangyari noong nagtraining siya sa Cebu para sa laban kay Oscar Dela Hoya na tinalo naman niya. (Mae Balbuena)

Show comments