Tamang Diskarte
Marami ang nagtatanong kung lumakas ba o humina ang frontline ng Coca-Cola Tigers matapos na maipamigay nila sina Nic Belasco sa Talk N Text at Mark Clemence Telan sa Rain Or Shine.
Kasi nga, sina Belasco at Telan ang siyang nakakatuwang ni Paul Asi Taulava sa shaded area. Alam naman ng karamihan na ang tatlong ito ang siyang dumomina ng shaded area noong nakaraang Philippine Cup para sa Tigers.
Hidni nga ba’t isa sa dahilan kung bakit nawala ang dating Coca-Cola coach na si Binky Favis ay dahil sa kagustuhan nitong magpasok ng two big-three small bilang lima niya sa hardcourt at ang gusto ng karamihan ay ma-maximize ang strength ng Coca-Cola sa pamamagitan ng paggamit ng sabay-sabay sa tatlong malalaking players na sina Taulava, Belasco at Telan.
Pero ano’t ipinamigay ng Coca-Cola sina Belasco at Telan?
Aba’y sa paglipat ni Belasco sa Talk N Text ay ‘di hamak na lumakas ang frontline ng Tropang Texters. Kahit na may edad na si Belasco ay makakatulong ito nang husto sa De Ocampo brothers na sina Yancy at Ranidel at kay Ali Peek.
At si Telan naman ay makapagdadagdag ng "ceiling" sa Rain Or Shine na sinasabi ngang "one big man short." Hindi na gaanong mahihirapan si Jay-R Reyes.
Baka mahirapan ngayon si Taulava. Iyon ang ikinakakaba ng mga supporters ng Coca-Cola.
Nasa panig pa naman ng Tigers si Ricky Calimag at puwede pa itong tumulong sa pagkuha ng rebounds. Pero mas mahilig si Calimag sa pagtira sa labas, hindi ba?
Upang remedyuhan ang pagkawala nina Telan at Belasco, kinuha ng Tigers ang rookie na si Francis Allera at sina Norman Gonzales at Larry Rodriguez.
Pero undersized ang mga ito, e. Hindi naman sila mga sentro kungdi mga power forwards lang talaga. Si Gonzales ay masipag at maaasahan din namang dumepensa Pero si Allera ay baguhan pa hindi naman siya naging dominante noong nasa University of Santo Tomas siya. Nakilala nga siya bilang outside shooter.
Mabuti na lang nga at nakuha din nila buhat sa Barako Bull si Rodriguez na bagamat hindi ganoon katangkad ay matin-ding humugot ng rebounds
At heto pa, pinag-aaralan ni coach Kenneth Duremdes kung sino kina Ken Bono at Mike Holper ang kanyang kukunin upang makatulong kay Taulava. Again hindi naman dominant big men ang dalawang ito.
Kahit noong naglalaro pa siya sa Adamson Falcons at naging Most Valuable Player sa UAAP, si Bono ay mas mahilig tumira buhat sa three-point area. At tiyak na mas maliit siya kaysa big men ng ibang team.
Si Holper naman ay hindi rin nakilala bilang matinding rebounder habang naglalaro pa siya sa Barangay Ginebra at Barako Bull.
Hindi pa natin masasagot ang katanungan sa itaas ng pitak na ito. Hihintayin nating magsimula ang kampanya ng Tigers sa 35th season ng PBA upang malaman kung tama ang naging diskarte nila.
- Latest
- Trending