Twice-to-beat naman ang puntirya ng FEU vs UP

MANILA, Philippines - Matapos isiguro ang ikalawang silya sa Final Four, puntirya ngayon ng Far Eastern na makuha ang twice to beat advantage sa pakikipagtipan nito sa nangungulelat na University of the Philippines sa ganap na alas-2 ng hapon, para sa pagpapatuloy ng 72nd UAAP basketball tournament sa The Arena San Juan City.

Sa nakaraang laban kontra Adamson, pinamunuan ni rookie sensation RR Garcia ang career performance ng Tamaraws para dumikit sa Ateneo Blue Eagles na may 9-2 baraha. 

“We’re happy to be in the Final Four but we still want to clinch the other twice-to-beat incentive, that’s what we’re going for in our last few games,” pahayag ni FEU coach Glenn Capacio.

Bagamat nasa hulihan, inaasahan ni Capacio na magiging mas maaksyon ang kanilang paghaharap dahil sa momentum na taglay ngayon ng Fighting Maroons makaraang lampasuhin ang La Salle sa 83-78 na dikitang laban na nagbigay ng 3-7 marka. 

 “We’ve learned that we can’t underestimate anyone in this league and UP has been showing they can compete with the best,” ani Capacio.

Isang magilas at maliksing 19 anyos na dating RP youth mainstay at pambato ng Zamboanga ang inaasahang bubulusok at mag-ambag ng higit sa 25 points na tala, maging ang katuwang na si Mikee Reyes ay nagsasanay para mapaigi ang 23 points na rekord.

Sa isa pang laro, hangad ng UE na mahagkan ang No.3 spot sa pakikipagbuno nito sa La Salle dakong alas-4 ng hapon. 

Nagbuhat sa tagumpay, nais masundan ng Warriors ang panalo kontra Tams, 87-72 noong Linggo habang masaklap na nabigo ang DLSU sa kamay ng UP.

Masakit para kay La Salle coach Franz Pumaren, ngayon lamang ito natalo ng 4 na beses magmula nang hawakan niya ang naturang koponan sa loob ng 11 seasons.

Dahil dito, pursido ang DLSU na makabangon at muling kumuha ng enerhiya para maitaguyod ang hangarin sa susunod na round. (Sarie Nerine Francisco)

Show comments