MANILA, Philippines - Sa pagsolo ng ikaapat na pwesto sa liga, buong giting na binakod ng Letran ang panalo sa pa-ngunguna ni Smart Gilas Pilipinas veteran RJ Jazul para pataubin ang Arellano U, 89-85 kahapon sa 85th NCAA basketball tournament sa The Arena, San Juan City.
Rumatsada sa huling bahagi ng laban, naglista ng 10 points mula sa kanyang 18 points kontribusyon sinelyo ni Jazul ang paghahari ng Knights sa ikawalong pagkakataon na nagbigay sa kanila ng pag-asa sa Final Four berth.
“I just told him (Jazul) to hold the ball and take charge, he responded to the challenge,” anang Letran coach Louie Alas na determinadong maiuwi ang titulo ng kasalukuyang torneo.
Sa kabila ng league high 31 points na tinipa ni Giorgio Ciriacruz, nagipit ang Arellano kung kaya nalaglag ito sa ikalimang pwesto na may 7-5 marka.
Sumandig sa kakayahan ng madiskarteng tambalan nina Argel Mendoza at Claude Cubo, nailusot ng Emilio Aguinaldo ang panalo sa isang pukpukang laban kontra Perpetual Help, 68-63 para sustinihan ang kampanya sa Final Four .
Pinagdaop ang 14 puntos nina Mendoza at Cubo naikubra nila ang 28 points kombinasyon para tuldukan ang pagnanais ng Altas na makahabol sa fourth quarter at iselyo ang ikatlong panalo ng grupo.
“Mathematically, we still have a legitimate chance of making it to the Final Four,” ani EAC coach Nomar Isla, “But our initial goal right now is to win as many games as we can.”
Para sa Juniors naman, giniba ng Letran ang Arellano U sa pamamagitan ng 105-74 para iposte ang 12 sunod na panalo.
Ang Perpetual Help naman ay naging masigasig para mapaganda ang kampanya sa Final Four nang maungusan ang EAC, 101-69 at iuwi ang 7-5 kartada. (SNF)