MANILA, Philippines - Maliban sa laban nina Drian ‘‘Gintong’’ Kamao at Panamanian two-time world champion Roberto ‘‘Spider’’ Vasquez, aapaw rin sa aksyon ang mga main supporting event sa pinakahihintay na Duelos de los Guapos: Bakbakan sa Perlas ng Silangan sa Oktubre 3 sa Astrodome sa Pasay City.
Sinabi ni Elmer Anuran, pangulo ng Saved by the Bell Promotion na utak ng Duelos, pangungunahan ni Michael Farenas ang gabi ng labanan.
Haharapin ni Farenas, isang southpaw na may kartadang 26 panalo, 2 talo at 2 tabla ang Koreanong si Jong Ang Baek (11 panalo, 2 talo) para sa World Professional Boxing Federation Featherweight Championship.
Kabilang rin sa mga supporting bouts ang mga laban nina Al Sabaupan (World Boxing Council) at Jethro Pabusan ( WBO Youth Asia Pacific Flyweight Championship).
‘‘Sabaupan and Pabusan, who are both training at the Touch Gloves Boxing Gym in Agoncillo, Batangas, will go up against highly-rated foreign foes,’’ wika ni Anuran. ‘‘Farenas fight against the Korean is also going to be very exciting.’’
Dagdag-aksyon rin ang sagupaan nina Mating Kilakil at Michael Landero para sa bakanteng RP minimum weight championship. Magpapalitan rin ng suntok sina Roberto Gonzales at kilalang super bantamweight na si Jhunriel Ramonal.
Si Gonzales ay kabilang rin sa mga boksingerong nagsasanay sa Touch Gloves Boxing Gym.
‘‘Fans will not be disappointed. The card is action-packed,’’ sabi ni Anuran.
Pag-aagawan nina Francisco at Vasquez ang World Boxing Association super flyweight international title.
Sinabi ni Anuran na malaki ang posibilidad na lumaban si Francisco sa WBA world title sa Enero 2010 kung tatalunin niya si Vasquez.