RP boxing team na sasabak sa Italy, inihayag
MANILA, Philippines - Upang higit na mapag-igting ang kampanya sa World Boxing Championship, ilang serye ng elimination dito sa bansa at sa abroad ang pinagdaanan ng mga boksingero bago tuluyang mapabilang sa koponan na sasabak sa aksiyon sa prestihiyosong torneo na gaganapin sa Milan, Italy sa Setyembre 1-12.
Matapos ang ilang deliberasyon sa national coaching staff na pinamumunuan ni head coach Pat Gaspi pormal na inihayahag ni Ed Picscon, ABAP executive director ang lineup na bubuo sa team.
Mula sa siyam na boksingerong hinasa sa Havana, Cuba, limang matitikas na boksingero na puno ng karanasan at maipagmamalaking kredensiyal ang napili para sa kampanya ng bansa sa Milan. Kabilang dito sina light flyweight Harry Tañamor, bantamweight Joan Tipon, featherweight Charly Suarez, lightweight Joegin Ladon, at light welterweight Genebert Basadre.
Mula sa Cuba, sinabi ni Picson na maigting na sparring time ang dinanas ng mga Pinoy sa kamay ng mga Cuban, Venezuelan at Brazilian national teams para lamang sa kanilang pagsasanay. Ang limang napili ay dederetso na sa Milan sa Biyernes mula sa Havana.
Pangunahing susuporta sa kampanya ng mga boskingero ang PLDT Global Corporation, ang international company sa ilalim ng PLDT-Smart conglomerate na pinamumunuan ni mega-businessman Manny V. Pangilinan sa pamamagitan ng kanilang mobile phone service Smart Pinoy, na nagsisilbi sa mga OFW sa Italy, Hongkong at Singapore.
“We feel honored with this opportunity to backstop our Filipino boxers in this epic international battle. We hope our humble contribution to this national effort will bring honor and pride to our people,” ani Al Panlilio, presidente ng PLDT Global Corporation.
At kahit na suportado ng Philippine Sports Commission na pinamumunuan ni chairman Harry angping ang biyahe ng mga boksingero, katulong pa rin sa ibang gastusin nila ay magmumula sa Smart Pinoy. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending