4 pang runners pasok sa Milo Marathon Grand Finals

ILOILO CITY , Philippines   – Apat na runners ang nakapasok sa national finals ng 33rd National Milo Marathon matapos na makapasa sa qualifying time na isang oras at 15 minuto sa men’s 21K dito noong Linggo.

Nanguna sa 21K elimination run si Leson Agravante ng Silay, Negros Occidental na naorasan ng isang oras at 12 minuto at 36 segundo. Sumunod naman si Roger Denolo ng Iloilo City na tumawid sa finish line makalipas ang 20 segundo.

Nasa porma naman si 4-time leg winner Adonis Lubaton ngunit ang kanyang naire-histrong 1:14.46 ay sapat lamang para sa ikatlong puwesto noong Linggo.

Tumapos namang pang-apat si Alvin Villanueva ng Silay 1:15.27.

Lahat ng apat ay nakakuha ng tiket patungo sa Milo Marathon grand finals na nakatakda sa Oktubre 11 sa Metro Manila.

Sa karera naman sa kababaihan na ginaganap sa pakikipagtambalan sa Bayview Park Hotel-Manila at Department of Tourism, nagreyna si Junalyn Plaza ng Roxas City sa ikatlong pagkakataon. Ngunit lumagpas ang oras para makasama sa national finals ng women’s.

Pumangalawa si Lovely Mae Arboleda at ikatlo naman si Genevieve dela Peña.

Sa 10K side events nanalo si Ronald Pacete sa men’s at Janine Arrey sa women’s.

Habang sa 5K naman ay nagwagi si Nikki Sibonga sa men’s at Ariane Benagera sa women’s.

Ang top three finishers naman sa 3k para sa mga bata ay sina Mark Klenton Nemiada, Vincent dela Cruz at Noel James Sevilleno sa boys at sina Jessica Sulit, Irene Sumagaysay at Donnabel Mercado sa girls.


Show comments