Beteranong boksingero ang isasabak sa World Amateur slugfest
MANILA, Philippines - Ang mga veteran fighters pa rin ang ilalaban ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) para sa darating na 2009 World Amateur Boxing Championships sa Milan, Italy.
Pangungunahan ng 31-anyos na si Harry Tañamor, isang three-time gold medal winner sa Southeast Asian Games, ang apat pang napili ng ABAP upang isabak sa nasabing torneo na nakatakda sa Setyembre 1-13.
Bukod sa light flyweight na si Tañamor, nag-uwi ng gold medal sa 2008 Boxing World Cup sa Moscow, ang iba pa ay sina bantamweight Joan Tipon, featherweight Charly Suarez, lightweight Joegin Ladon at light welterweight Genebert Basadre.
Ang 2009 World Championship ay isa sa mga nakalinyang qualifying meets patungo sa 2012 Olympic Games sa London.
Sumuntok ang tubong Zaboanga City na si Tañamor ng silver medal sa 2007 World Championship sa Chicago, USA upang makapasok sa 2008 Olympic Games sa Beijing, China kung saan naman siya nasibak ng isang Ghana pug sa first round ng eliminasyon.
"Itong limang boxers na ito ay masusing pinag-isipan ng ating mga Cuban consultants na sina Enrique Steyners at Dagoberto Scott at national coach Pat Gaspi," sabi kahapon ni ABAP executive director Ed Piczon.
Nakasama nina Tañamor, Tipon, Suarez, Basadre at Ladon sa halos 21 araw na pagsasanay sa Havana, Cuba sina Rey Saludar, Aston Palicte, Jameboy Vicera at Gerson Nietes.
"Iyong apat na hindi lalaban sa World Championship ay tuluy-tuloy pa rin ang kanilang paghahanda para naman sa 2009 Southeast Asian Games sa Laos," ani Piczon kina Saludar, Palicte, Vicera at Nietes.
Nakasabay ng nasabing nine-man national team sa pagsasanay sa Havana, Cuba ang mga boxing team ng Venezuela at Brazil.
Pinapangarap pa rin ng bansa ang kauna-unahang gold medal sa Olympic Games matapos ang silver medal nina featherweight Anthony Villanueva at light flyweight Mansueto "Onyok" Velasco, Jr. noong 1964 Tokyo at 1996 Atlanta Games, ayon sa pagkakasunod. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending