Reyes kampeon sa Davao leg ng Villar Cup

DAVAO CITY , Philippines  – Muling nadagdagan ang karangalan ni Efren “Bata” Reyes nang bumangon ito mula sa tatlong rack na paghahabol at daigin si Ramil Gallego, 11-5 sa finals upang makopo ang Manny Villar Cup Kadayawan Leg title noong Linggo ng gabi sa activity area ng NCCC Mall dito.

Ito ang unang major title ni Reyes sa nakalipas na tatlong taon at isang pruweba na sa edad na 55 anyos, siya pa rin ang all-time best billiards player sa planeta.

“Masayang-masaya ako at sa wakas nakuha ko rin itong Villar Cup, at iniaalay ko itong tagumpay kong ito kay Senator Manny Villar bilang pasasalamat sa kanyang walang sawang pagtulong sa bilyar,”ani Reyes.

 Naglaro sa kanyang unang Villar Cup finals sapul nang matalo ito kay Warren Kiamco sa paunang yugto sa Alabang noong Mayo 28, hindi naging maganda ang panimula ni Reyes ng ilang beses itong tumira ng miscue na nagbigay kay Gallego ng 5-2 abante.

Ngunit ayaw niyang madismaya ang may mahigit 3,000 fans na nagtsi-cheer sa kanya, bumangon si Reyes mula sa maikling break at muling ginamitan ng mahika ang laban para makabalik sa kontensiyon.

Nakakuha din ito ng malaking break nang mag-scratch si Gallego sa money-ball sa 11th rack na nagbigay kay Reyes ng 6-5 abante.

At ito na ang naging turning point para kay Reyes nang sunud-sunod na bulsa ang lahat ng limang racks upang maiselyo ang tagumpay at ipagdiwang ang kanyang unang kampeonato sapul nang maghari ito sa Derby City Classic sa Louisville, Kentucky noong January 2007.


Show comments