Maglinao, malinaw ang pag-akyat sa Milo Marathon National Finals
Legazpi City, Philippines --Naunahan ni Mario Maglinao si Ramie Lacson sa huling 50 meters ng karera upang pagharian ang Legazpi leg ng 33rd National Milo Marathon elimination noong Linggo na nagsimula at nagtapos sa harap ng City Hall.
Magkasabay sina Maglinao at Lacson at nangangailangan ng photo finish nang kumawala ang 21-gulang na Bicolano patungong finish line at nakakuha ng tiket sa finals sa October kung saan makakasama niya ang iba pang provincial qualifiers para hamunin si reigning champion Eduardo Buenavista para sa top prize na P75,000.
Nag-uwi si Maglinao ng P10,000 sa kanyang panalo matapos magtala ng oras na 1:14.26, habang si Lacson, ay naorasan ng 1:14.37 sa 21k course na dumaan sa mga pangunahing daan ng lungsod sa ilalim ng magandang panahon.
Sina Maglinao at Lacson, na nagbulsa naman ng P6,000 bilang second prize, ay nakausad sa finals, ngunit hindi kasama si Ernie Payong na nagtala ng 1:18.48 oras at nagkasya sa P4,000 third prize.
Hindi Bicolano si Lacson na ngayon lamang nakarating sa lungsod na ito kung saan matatagpuan ang sikat na Mount Mayon at aminado siya sa pagkatalo kay Maglinao.
Naging magaan naman ang panalo ni Mila Paje, ang 44-gulang na runner mula sa Romblon na may 20 final appearances na, sa women side sa oras na 1:43. 49 ngunit hindi ito umabot sa 1:35 qualifying mark para makasama sa finals.
Nagkasya ito sa P10,000 first prize money at pumangalawa naman si Hazel Castuera sa oras na 1:55.07 para sa second price na P6,000 at ikatlo si Disiry Joy Pura sa oras na 1:56.09.na may katumbas na P4,000.
Nanguna si Martin Balaybo sa 10k sa oras na 35.09 para talunin si Rolando Anouevo namay oras na 36.05 at nanguna si Janice Marquez sa girls’ side sa oras na 43.47 at tinalo niya si Mary Rose Abion (54.47).
- Latest
- Trending