MANILA, Philippines - Para sa pagpapatuloy ng 40th WNCAA, masuwerteng natokahan ng madaling asignatura ang mga nagungunang koponan ngayong linggo upang mapanatiling imakulada ang tangang kartada sa basketball at volleyball tournaments.
Tanging ang three time defending basketball champion na Lyceum (3-0) ang sasagupa nang may pangamba sa St. Scholastica’s College (2-1) para sa alas-11:30 ng umagang sagupaan sa home court ng Scho.
Sasabak naman ang College of St. Benilde (3-0) sa bakbakan kontra kulelat ng Rizal Technological University (0-2) dakong ala-una ng hapon habang ang solo Senior B leader University of Asia Pacific (3-0) ay makikipagtuos sa Emilio Aguinaldo (1-1) para sa larong eeksena sa ganap na alas-2:30 ng hapon.
Samantala, papalo naman ang nine time volleyball winner Lyceum para sa ikaapat nitong panalo sa pamamagitan ng paggapi sa EAC (0-3) sa alas-11 ng umaga.
Habang makikipagtagpo ang St. Scholastica (1-2) sa UA&P (2-0) sa alas-12:30 ng hapon. (Sarie Nerine Francisco)