MANILA, Philippines - Tiwala si Elmer Anuran, pa-ngulo ng Saved by the Bell Promotion, na magiging matagumpay si Drian ‘‘Gintong Kamao” Francisco kontra Panamanian two-time world champion Roberto ‘‘Spider” Vasquez sa Oktubre 3 sa Astrodome sa Pasay City.
‘‘Drian has the power and intelligence needed to reign as world champion,’’ sabi ni Anuran. ‘‘I am confident that he will emerge triumphant against Vasquez because he will be very hard to hit.’’
Tulad ni Anuran, impresibo rin si Francisco sa dating hari ng boksing na si Dodie Boy Peñalosa at international matchmaker Bebot Elorde.
‘‘Hindi na ako magugulat kung magiging world champion si Drian,’’ sabi ni Dodie Boy matapos mapanood ang sparring ni Drian kay Marvin Tampos noong Abril.
Uupo bilang World Boxing Association superflyweight international champion ang magwa-wagi sa pagitan nina Francisco at Vasquez sa Duelos de los Guapos: Bakbakan sa Perlas ng Silangan.
Idiniin ni Anuran na malaki ang tsansa na lumaban sa WBA superflyweight crown si Francisco kung tatalunin niya si Vasquez.
‘‘If Drian wins, he can have a shot at a title now being held by Japanese Nobou Nashiro,’’ wika ni Anuran.
Idedepensa ni Nashiro ang kanyang titulo laban kay Mexican Hugo Fidel Cazares sa Setyembre 30 sa Prefectural Gymnasium sa Osaka, Japan.
Sa kasalukuyan si Francisco ay ikalimang challenger sa WBA superflyweight na kung saan ang interim champion ay si Nonito Donaire Jr.
Orihinal na kalaban ni Francisco si Rafael ‘‘El Torito’’ Concepcion na tinalo ni Donaire sa pamamagitan ng unanimous decision kamakailan sa Las Vegas.
Nagsasanay sa kasalukuyan si Francisco sa Touch Gloves Boxing Gym sa Barangay Subic sa Agoncillo, Batangas.
‘‘I expect Drian to log a total of not less than 150 rounds of sparring before fight night,’’ ani Anuran na tubong Agoncillo.
Sinasanay si Francisco ni head trainer Benny de la Peña. Nakalaban na sa sparring ni Francisco sina Daniel Ferreras, Richard Ulisa, Eden Sonsona at Jun Talape.
Kasama ni Francisco sa pagsasanay sina Al Sabaupan, Lolito Sonsona, Roberto ‘‘Calibre’’ Gonzales at Jethro Pabustan.