MANILA, Philippines - Habang nakauwi na sa Pilipinas sina world flyweight champion Nonito "The Filipino Flash" Donaire, Jr. at featherweight contender Bernade Concepcion, nanatili naman si welterweight sensation Mark Jason Melligen sa Las Vegas, Nevada.
Sa panayam kahapon ni Dennis Principe sa kanyang "Sports Chat" sa DZSR Sports Radio mula sa Las Vegas, sinabi ni Melligen na patuloy pa rin siyang mag-eensayo sa training camp ni Floyd Mayweather, Jr.
"Baka sa October 17 kasi may laban ulit ako dito kaya hindi pa ako umuuwi," sabi ng 22-anyos na si Melligen. "Pero baka hindi rin matuloy 'yon kasi pagagalingin ko muna 'yung injury ko sa kamay ko."
Pinabagsak ng pambato ng Bacolod City ang 32-anyos na si Ernesto Zepeda ng Tijuana, Mexico via fourth-round TKO sa huling 2:40 sa kanilang 10-round welterweight fight noong Linggo sa "Pinoy Power 2" sa Hard Rock Cafe and Casino sa Las Vegas.
Kasalukuyang tangan ni Melligen, dating miyembro ng national boxing team, ang 16-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs.
Matapos ang naturang pagpapatulog kay Zepeda, may 39-13-4 (32 KOs), kaagad na sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na gusto niyang isama si Melligen sa "Pinoy Power 3" sa Disyembre.
"He wants to put him in the "Pinoy Power 3" in December 12 and he is hoping to get Michael Osales for that particular fight," wika ni Tony Martin, ang trainer ni Melligen, sa sinabi ni Arum.
Ayon kay Melligen, hindi pa siya handang lumaban sa isang world championship fight kung saan nangingibabaw sa welterweight division sina Miguel Angel Cotto, Sugar Shane Mosley at Mayweather, Jr.
"Masaya ako sa naging panalo ko kay Zepeda pero may gusto pa akong ma-improve sa style ko, sa laban ko," wika ni Melligen. "Siguro mga two fights pa bago ko isipin ang isang championship fight." (Russell Cadayona)