Jazul bumandera sa Letran
MANILA, Philippines - Hindi na nagpatumpik tumpik, binigay agad ni RJ Jazul ang buong lakas para igiya sa 92-66 panalo ng Letran kontra Emilio Aguinaldo sa kanilang pag-haharap kahapon sa 85th NCAA basketball tournament sa The Arena, Sa Juan City.
Natuto mula sa mga karanasan sa ilalim ni Serbian coach, Rajko Toroman ng Smart Gilas Pilipinas, kumolekta ng 21 points season high 13 assists, 5 rebounds, 4 steals si Jazul para iankla ang Knights sa ikaapat na pwesto.
“He’s really the leader of this team,” pahayag ni Letran coach Louie Alas sa kanyang manok para sa MVP award ngayong taon.
Sa juniors, pinataob ng Letran ang EAC sa 125-31 upang angkinin ang 10 panalo habang umuwing luhaan ang Arellano sa laban nito sa CSB, 81-37.
Tulad ni Jazul umarangkada rin si Rey Guevarra nang kumamada ito ng 21 points, tampok ang 4 na tres na nagbigay ng kalamangan sa kalaban.
Bumulusok sa three point area, nagtala ang Knights ng 14 basket mula sa 28 tangka na nagmarka ng 50% ng laro.
Bagaman mayroong tsansang makahabol, hinarangan ng Knights ang napipintong paghabol ng Generals nang maglatag ito ng ibang diskarte upang muling idistansya ang koponan.
Sa pinagsamang lakas ng duo ni Jazul at Guevarra natuhog ng Letran ang panalo sa kabila ng 21 points kontribusyon ni Argel Mendoza para suportahan ang Generals.
Sa isa pang laban, umarangkada sa huling yugto, binanatan ng Arellano U ang mapanganib na St. Benilde nang gibain nito ang depensa ng huli at iposte ang 82-72 agwat.
Lumugar sa ikaapat na pwesto, kumana si Giorgio Ciriacruz ng career high na 31 points kabilang ang 14 marka sa final canto kung saan maagap nitong inapula ang mainit na pagbabalik sana ng Blazers. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending