Bago nagsimula ang 85th season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ay aminado si Letran College coach Louie Alas na medyo mahina ang kanyang koponan. Kasi nga’y hindi naman siya nag-recruit ng mga manlalaro buhat sa ibang eskuwelahan o sa mga lalawigan.
Iniangat lamang niya sa senior division ang ilang standouts ng junior team nilang Squires at ipinasok ang ilang miyembro ng Team B nila.
Usually kasi, ang karamihan sa mga teams ay may scouts na nasa probinsiya at kumuha ng players doon o kaya’y huhugot sila ng players buhat sa junior teams ng ibang eskuwelahan.
Pero hindi nga ganoon ang ginawa ni Alas. Kumbaga’y ginantimpalaan na lang niya ang mga nasa Team B at mga juniors. Kasi, kung kukuha siya sa iba, wala nang mapupuntahan ang mga ito.
Isa pa’y kabisado na ng mga idinagdag niyang players ang sistema niya so hindi na ganoong kahirap ang adjustments.
Nagkaganito man, kahit paano’y kinatatakutan at pinaghahandaan pa rin ang Knights. Isang testimonya na sa programa ni Alas ang pangyayaring sinabi ni coach Frankie Lim ng three-time defending champion San Beda na ang Letran ay isa sa mga teams na tinitignan niyang magpapahirap sa kanila.
Ilang linggo bago sila unang nagtagpo ay sinabi ni Lim na pinaghahandaan talaga niya ang Knights. At may katwiran si Lim sa kanyang pangamba dahil pinahirapan sila ng Knights bago nila ito napayuko, 79-74 noong July 24.
Biruin mo iyon! Kung tutuusin ay mas superior ang line-up ng Red Lions at marami ang umaasa na tatambakan nila ang Knights pero iba nga ang sistema ni Alas. Iba ang depensa ng Knights na tinaguriang “40 minutes of hell.”
Noon ngang Biyernes ay pinahirapan din nila ang nangu-ngunang San Sebastian Stags bago sila natalo, 77-74. So doon pa lang ay makikitang may anghang ang Knights at puwede silang makasilat.
Sa pagtatapos ng first round ng elimination ay tabla ang Letran at guest team Arellano University Chiefs sa ikaapat na puwesto sa record na 5-4. Pero dahil sa tinalo sila ng Arellano, 81-73 noong Hulyo 1, bale nasa ikalimang puwesto ang Knights.
Ang Letran ay sumasandig sa pitong holdovers buhat sa nakaraang season at ito’y sina Rey Guevarra, Reymar Gutilban, RJ Jazul, John Foronda, Kirk del Rosario, Jam Cortez at Jaypee Belencion.
At mas marami nga ang baguhan ni Alas kaya naman parang masasabing “team of the future” ito.
Kumbaga, ang target lang ni Alas ay makarating sa Final Four at pagkatapos ay “bahala na.” Bonus nalang kung makapasok sila sa Finals.
Pero ang tinitiyak niya ay magkakaroon siya ng mas malakas na team sa susunod na season. Para ba’ng one step backward, two steps forward ang formula.