Powerade Team Pilipinas, 8th place
TIANJIN -- Nanumbalik sa alaala ng Powerade Team Pilipinas ang bangungot may pitong taon na ang nakakaraan sa pagwawakas ng 25th FIBA-Asia Championship dito kahapon.
Nagmintis ang tatlong pagtatangka sa field goals ng Nationals sa huling 11 segundo at matapang na inatake ni Yang Donggeun ang depensa ng RP para sa game-winning shot nang hatakin ng Koreans ang kapana-panabik na 82-80 panalo laban sa mga Pinoy para sa 7th place ng 11-day competition sa 16 na Asian nations.
Dinomina ng Nationals ang Koreans at may tsansang iselyo ang panalo ngunit nagmintis si Kerby Raymundo sa floating shot sa harap ni Kim Joo Sung, na sinundan ng mintis na follow-up ni Jared Dillinger at isa pang mintis ni Sonny Thoss mula sa ilalim ng basket.
Nang makuha ang loose ball, buong giting na inatake ni Yang ang basket para sa isang layup na bumasag sa 80-all deadlock may 1.7 tikada ang nalalabi.
Nagmintis din si James Yap sa make-or-break three points kasabay ng pagtunog ng buzzer para malasap ng Nationals ang isang masakit na kabiguan sa kamay ng Koreans.
Ito rin halos ang senaryo sa laban ng Korea-RP noong 2002 Busan Asian Games. (Nelson Beltran)
- Latest
- Trending