Anquillo, Daniel magkasosyo sa NCAA Press Corps Player of the Week
MANILA, Philippines - Dahil sa pinakitang gilas, husay ng laro, at laki ng pagmamahal, impresibong laro ang pinamalas ng tinuturing na David at Goliath ng 85th NCAA basketball tournament.
Napisil bilang ACCEL/ Fil-Oil Player of the Week, lumutang ang galing ng higanteng si Sudan Daniel ng San Beda College at liksi ng bulilit na si Leonard Anquillo ng Arellano na kapwa namayani upang isulong ang kampanya sa unang round ng torneo.
Kumayod ng husto, humugot ang 6’8 na Amerikanong si Daniel ng kanyang career high na 31 points upang gibain ang matatag na pundasyon ng Jose Rizal University, 95-81 noong Lunes habang ang 11 points tala niya sa final canto ng labanan kontra San Sebastian ang naglapit sa koponan para kabahan ang nangungunang San Sebastian College.
“Our game plan was to let him operate inside because we know that they have no answer for him. He was simply unstoppable,” ani San Beda coach Frankie Lim.
Samantala, naging makabuluhan naman ang hinatak na 20 points, 4 rebounds at 2 steals ni Anquillo sa huling 22 minuto ng aksyon kontra Angeles Unversity, 96-77 noong Miyerkules.
Subalit ang bilis nang galaw ni Anquilo ay hindi nabawasan nang magbigay ito ng crucial steal sa pukpukang engkwentro kontra Mapua 76-73 na siyang pinagtagumpayan ng Chiefs.
“He maybe small, but he has a big fighting heart,” pahayag ni Arellano mentor Junjie Ablan. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending