FEU, UP namayani; Ateneo vs DLSU uli
MANILA, Philippines - Huwag lumayo sa anino ng nangungunang Ateneo ang pangunahing layunin ng Far Eastern University.
Sa pamamagitan ng de kalibreng laban ni Smart Gilas Pilipinas standout Mark Barroca, matagumpay na naitakas ng Tamaraws ang panalo kontra University of Santo Tomas, 75-67 kahapon para sa pagpapatuloy ng 72nd UAAP basketball tournament sa Araneta Coliseum.
Tumipa ng 23 points, binanderahan ni Barroca ang koponan para iselyo ang ikapitong pananaig sa liga.
Nagdagdag rin ng 11 points at 12 rebounds si Cameroonian Pipo Noundou, at ang pinagsamang 8 puntos nina Paul Sanga at Edgar Tanauan ang na-ging sandigan ng bataan ni Glenn Capacio sa kabila ng isang larong suspension ni Reil Cervantes.
Tulad ni Barroca, humatak rin ng 23 points si Dylan Ababou, habang nanamlay naman ang shooting ni Khasim Mirza na nagbigay lamang ng 4 points at ang rookie sensation na si Jeric Teng ay napako na rin sa 9 points sa pagtatapos ng laro.
Sa inisyal na laro naman, namayani ang State U sa isang dikdikang laban, 78-76 laban sa National University upang imarka ang ikalawa nitong panalo.
Kumolekta ng 17 points si Martin Reyes para suportahan ang Maroons habang nag-ambag rin ng 12 mula sa 14 points si Martin Reyes para tibagin ang pag-asa ng Bulldogs na makaangat ng kaunti sa liga.
Dahil dito, pare-parehong nalaglag sa hulihan ang UP, Adu at NU na may 2-6 panalo-talo baraha.
Samantala, taliwas sa kulay dilaw na bumalot sa Big Dome noong nakaraang paghaharap, magpapatingkaran ngayon ang asul at berde.
Matapos ang mainit na sagupaan ng magka-ribal na Ateneo at La Salle noong isang linggo, muli na namang mapupuno at dadagundong ang malakas na hiyawan para sa Blue Eagles at Green Archers sa ganap na alas-5 ng hapon.
Subalit bago magsiklab ang matinding bakbakan sa pagitan ng dalawang unibersidad, magsisilbing panimula ang bakbakan ng Adamson at Unversity of the East na nakatakdang umeksena dakong alas-12 ng tanghali. (SNFrancisco)
- Latest
- Trending