MANILA, Philippines - Kung anuman ang wala sa kanila na dahilan ng kanilang pagkabigo sa pagdedepensa ng titulo sa nakaraang PBA Fiesta Cup ay niremedyuhan nila sa ginawang pre-season build up, kaya handa na ang Ginebra San Miguel para sa 35th season ng Philippine Basketball Association.
Ang pagkakakuha sa mga big men na sina Rico Villanueva, Rich Alvarez at Paolo Bugia, at kay Celino Cruz sa pamamagitan ng trades, sinabi ni coach Jong Uichico kahapon na naniniwala siyang makakabawi ang Gin Kings sa pagkatalo sa sister team San Miguel Beer sa closing tournament ng nakaraang 34th season.
Ang pagkakakuha sa aPat mula sa isa pang sister team na Purefoods, sinabi ni Uichico kahapon sa SCOOP Sa Kamayan weekly session, na hindi na kailangan ng adjustments sa pagpasok ng kanilang bagong mga teammates.
Sina Villanueva, Alvarez at Bugia mga dating Ateneans ay makakasama na uli nina Doug Kramer at JC Intal, parehong ex-Eagles din sa line-up na isang malaking bentahe sa Kings.
“Of course, it was a mere coincidence that Rico, Rich and Paolo are former Ateneans. It was not designed. It just so happened that they are the players we needed and that those we released are what Purefoods need,” wika ng multi-titled na si Uichico sa session na sponsored ng ACCEL.
Ayon pa kay Uichico nagpa-practice na sa team ang mga bagong players at masaya siya sa kanyang nakikita.
Ayon kay Cruz, walang problema sa pag-aadjust sa kanilang mga bagong teammates dahil bukod sa nakasama na niya sina Alvarez, Bugia at Villanueva sa Purefoods noong nakaraang season kasama rin niya sina Cyrus Baguio at Junthy Valenzuela sa Red Bull.
Sinabi ng apat na sabik silang mapabilang sa pinakasikat na team sa PBA.’
“Masayang-masaya ako siyempre. Biro mo for the first time, maglalaro ako kakampi ang buong Araneta,” ani Villanueva.
“I’m very pleased to be part of a very popular team and former teammates in college. I just hope I can help provide what the team needs from me,” wika naman nina Bugia at Alvarez.
Ayon kay Uichico malapit nang mabuo ang kanyang team maliban sa dalawa o tatlong slots para makasama sina Mark Caguioa, Baguio, Ronald Tubid, Willy Wilson, Eric Menk, Kramer, Intal, Valenzuela at Sunday Salvacion.
Tanging sina Chito Lanete at Chris Pacana ang hindi pa nakakapirma ng bagong kontrata.
Hindi nakalaro si Caguioa sa huling tatlong conferences dahil sa pabalik-balik na injury at ngayon ay nag-iimprove na sa kanyang ginagawang training. (MBalbuena)