Stags na-sweep ang first round
MANILA, Philippines - Para ilimbag ang isang makasaysayang marka sa pinakamatandang liga, matagumpay na sinungkit ng nangungunang San Sebastian College ang nine game sweep sa first round ng 85th NCAA basketball tournament sa The Arena, San Juan City.
Pinaigting ang depensa, napigilan ng Stags ang pagtatangkang paghabol nang maliksing Letran Knights sa huling segundo ng laban.
Nanganib na magkaroon ng extra minute, sumandig ang SSC sa kalibre ni Ronald Pascual na bumandera sa 4th quarter para iselyo ang panalo.
Gumawa ng 10 mula sa kanyang 17 points sa final canto, naitakas ng Stags ang panalo upang mapa-ngalagaan ang imakuladang baraha. Gayundin, tumulong sina Ian Sangalang, Jimbo Aquino at Raymond Maconocido nang mag-amabag ng 12, 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, sa inisyal na laro, sumandig ang Arellano U kay Leo Anquino para igupo ang Mapua, 76-73 upang mapagana ang barahang isusugal sa Final Four bid.
Umarangkada sa huling 5.5 tikada, naisiguro ni Isiah Ciriacruz ang panalo makaraang magmintis sa kanyang three pointer attempt si Erwin Cornejo para ipuwersa ang dapat sanay OT. Bagamat tumapos nang 22 points at 8 rebounds si Cornejo, kinapos pa rin ang pwersa ng Cardinals na na-laglag sa huling pwesto.
Sa juniors division naman, nagsama para sa 40 puntos sina Jarelan Tampus at Archie Inigo para palakasin ang kapangyarihan ng Letran habang nagbigay ng 16 points at 18 rebounds si Glenn Khobuntin upang iposte ang 87-79 win kontra four peat titlist San Sebastian.
Umuwi ring luhaan ang Mapua Red Robins matapos pataubin ng Baby Chiefs sa 102-86 para sa 3-6 marka. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending