Matinding panalangin hiling ng RP-5 vs Jordan
TIANJIN – Haharapin ng Powerade Team Pilipinas, ang dating dominanteng team sa Asia, ang gumagaling na Jordan ngayon hangad ang upset win upang manatiling buhay ang pag-asa sa World Championship sa Turkey sa susunod na taon.
Nakaiwas ang Powerade RP sa maagang pakikipagharap sa China ngunit sila pa rin ang underdog laban sa Jordan team na hindi pa tinatalo ng Nationals sa tatlong pagkikita.
Magsasagupa ang Nationals at Jordanians sa alas-2:00 ng hapon para sa Final Four slot sa 25th FIBA Asia Championship kung saan nakataya ang tatlong slots sa Turkey world meet.
“Masyadong malakas, pero may silat yan (They’re so strong but can be upset),” sabi ni RP coach Yeng Guiao matapos panoorin ang Jordanians sa kanilang laban kontra sa China noong Miyerkules ng gabi.
“If we beat Chinese-Taipei on our 50-percent three-point shooting, I think we have to shoot 60 percent to beat Jordan. That’s how tough they are,” ani assistant coach Rhoel Nadurata.
Ito ay do-or-die match kung saaan ang mananalo ay uusad sa semis kontra sa mananalo sa Iran-Qatar match-up.
Ang iba pang quarterfinal matches ay China versus Chinese-Taipei at Korea versus Lebanon.
Dalawang panalo na lamang ang layo ng Nationals para makamit ang hangaring makalaro sa 2010 world meet, ngunit may kahirapang makuha ang mga panalong ito.
Ang Jordan ang team na dumurog sa pangarap ng Philippines sa huling Asian meet sa Tokushima, Japan, nang sibakin nila ang mga Pinoy sa final day ng elimination round noon.
Ito rin ang team na tumalo sa Philippines, 90-59, sa nakaraang Jones Cup competition sa Taipei.
- Latest
- Trending