Malinaw sa mga nangyayari ngayon sa Tianjin na unti-unti na nating natatanggap ang ating lugar sa international basketball. Hindi na tayo ang dating hari ng isport dito sa Asya, at malayo-layo na rin ang inilaglag natin mula sa ating dating kinaluluklukan.
Maging ang pinakamagagaling nating mga manlalaro mula sa pinagpipitaganan nating PBA ay hirap sa antas ng kalaban sa Asya.
Kulang na tayon sa laki, at kulang na rin sa pagsasanay. Hindi sapat ang practice na isang araw sa isang linggo. Marami ring ina-alala ang mga players natin: ang kanilang mga obligasyon sa PBA mother teams nila, ang mga pamilya, mga endorsement, at iba pa. Mahirap sabihing sinosolo ng Philippine team ang atensyon nila.
Ayon sa ilan pa sa ating mga dating manlalaro noong nakakapasok tayo sa Olympics, wala na rin sa mga manlalaro natin ang manindak.
Halimbawa ang huling laro natin sa Olympics laban sa Japan. Natalo tayo sa Japan sa Asian Basketball Confederation (na ngayo’y FIBA-Asia Championship) bago pumunta ng 1972 Games. Sa hotal pa lang daw, tinatakot na ng mga player natin ang mga Hapon. Sa pila sa almusal sa hotel, binabangga na nila, at sinesenyasan na gigilitin nila ang mga ito.
Ang resulta? Di na sila makapalag pagdating ng aktwal na laro, at natambakan natin sila, Ito ang isang uri ng angas na di na nakikita, lalo na sa mga manlalaro nating Fil-Am.
Ano ba ang pinagkaiba ng panahon noon at ngayon? Una, wala pang PBA noon, kaya ambisyon ng lahat ng player, makapasok sa pambansang koponan. Pangalawa, ngayon, malalaki ang mga suweldo ng mga player sa PBA. Mas matagal silang maglalaro bilang pro, kaya mas pinahahalagahan nila ang karera sa PBA kaysa sa Philippine team.
Ano ang kailangang gawin? Kailangang makabuo tayo ng koponan na, sa loob ng ilang taon ay may potensyal na talunin ang kahit sinong team sa PBA. Kailangan mas malaki at mas magagaling ang bubuo nitong koponan na ito. Pangalawa, dapat hindi sila galawin ng PBA. Ito ang dahilan bakit naging matagumpay ang mga national team noong dekada 80.
Limang taon silang magkakasama, at wala silang ginawa kundi isipin ang Philippine team.
Para rin sa coaching, mas mainam na eksklusibong Philippine team lamang ang hawakan ng isang coach. Kung ipinagbabawal ng mga PBA team na humawak ng iba pang team (maging high school o college) ang kanilang mga coach at assistant coach. Kung ang isang professional team ay humihingi ng ganoong dedikasyon, ang national team pa kaya?
Nagmagandang-loob ang PBA sa saluhin ang mga laban sa international competition. Pero hindi nila ito trabaho, Pero, kung tutuusin, hindi talaga sila magiging bahagi ng solusyon, kung hindi bilang gabay sa mga national team na hindi kinasasangkutan ng PBA players.