PSNgayon shuttlers kampeon

MANILA, Philippines - Nakopo ng Pilipino Star NGAYON badminton team ang kampeonato sa ginanap na 5th Media Sports Club Badminton Tournament (Hataw Para sa Kalusugan) matapos walisin ang lahat ng pitong asignatura noong Sabado sa Rizal Memorial Stadium-Badminton Center.

Napanatili ng PSNgayon shuttlers ang malinis na kartadang 7-0 win-loss slate makaraang blangkahin ang NBN-4 team 3-0 sa finals upang iuwi ang kampeonato. Kabilang sa champion team sina PSNgayon reporter Danilo Garcia, Edu Punay, Glenn Padpad, Ariel Bentajado, Nikki Gabitan-Cordero, Dahlia Saguid, Jona Magnaye at Elaine Briones.

Unang pinataob ng tambalang Punay at Saguid sa mixed doubles finals sina Darwin Gernale at Trisha Magpantay 21-10, 21-13; tinambakan naman nina Padpad at Bentajado sina Jorge Bandola at Merwin Llanza sa men’s doubles, 21-10, 21-7 habang winasak rin nina Gabitan at Magnaye ang tambalan nina Zyan Ambrocio at Weng Hidalgo sa ladies doubles, 21-10, 21-7.

Tinanghal na kampeon sina Padpad at Punay sa men’s doubles at pinagreynahan naman nina Cordero at Saguid ang ladies doubles. Nasilat naman nina Gernale at Magpantay ng NBN-4 ang titulo sa mixed doubles sa kabila ng dalawang pagkatalo kumpara sa walang dungis na 5-0 rekord ng tambalan nina Garcia at Briones.

Show comments